UMULAN NG PAG-ASA AT PASASALAMAT SA MALASAGA, PINAGBUHATAN!

April 28, 2024



Inulan man ay nalagdaan pa rin ang isang makasaysayang kasunduan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, Sampaguita Pinagbuhatan Neighborhood Association, Inc., at Tayo Naman, Inc. noong Huwebes, April 25, 2024, sa Malasaga, Pinagbuhatan.
Ang pagpasok sa Memorandum of Agreement (MOA) na ito ay nangangahulugan ng pagkakasunduan ng dalawang panig - ang registradong owner at trustee at ang Homeowners Association bilang benepisyaryo, na ipagbili ang 1.38 ektaryang lupa sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig at pahulugan ito sa 350 pamilya na may nakatayong bahay sa lugar na ito.
Bago ang MOA signing ay nagkaroon ng Misa ng Pasasalamat para pagpalain ang makasaysayang kasunduan na ito — na tumapos sa nasa apat na dekadang pag-aayos ng problema tungkol sa nasabing lupa. Bago pa man matapos ang misa ay umulan nang malakas at matagal — kauna-unahang ulan matapos ang halos ilang araw na mataas ang heat index sa Pasig. Pahayag ni G. Ricardo Reyes na Head ng Pasig Urban Settlements Office (PUSO), pahiwatig ng Mahal na Patron ng Barangay Pinagbuhatan ang pag-ulan na ito — na hindi makukumpleto ang selebrasyon sa nasabing barangay kung walang basaan.
Kasabay ng pag-ulan na nagpaiksi na rin sa programa para makalikas na ang mga opisyal at residente, umulan din ng pasasalamat mula sa tatlong panig na lumagda sa MOA at pumasok sa kasunduan.