TINGNAN: TWO-DAY CONSULTATION-COORDINATION MEETING PARA SA PAG-REVIEW AT UPDATE NG ZONING ORDINANCE NG LUNGSOD NG PASIG

July 14, 2023


















Nagtipon ang nasa 130 participants para sa isang two-day consultation-coordination meeting na ginanap noong July 11-12, 2023 na naglalayong ma-review at ma-update ang Zoning Ordinance ng Pasig City.

Ang participants ng nasabing workshop ay binubuo ng mga kinatawan mula sa mga: departamento/opisina ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod; civil society organizations na miyembro ng City Development Council; at mga tanggapan ng nasyunal na pamahalaan katulad ng Department of Human Settlements of Urban Development, Metro Manila Development Authority, at National Economic and Development Authority.

Hitik ang naging diskusyon na sinimulan sa pagtalakay ng mga isyu na kadalasang napupuna sa implementasyon ng Zoning Ordinance ng Pasig at pagsasagawa ng evaluation bago ang pag-iissue ng Locational Clearance at Certificate of Conformance.

Bukod pa rito, nagkaroon din ng presentasyon ng Pasig City Land and Water Use Plan (CLWUP) 2023-2031. Ang panukalang Zoning Ordinance ay isa sa requirements para sa pagpipinalisa ng CLWUP– ang dokumento na ginagamit ng mga lokal na pamahalaan bilang batayan sa klasipikasyon ng paggamit ng mga anyong lupa at anyong tubig sa kanilang nasasakupan na kailangan para sa pagpaplano ng mga programa at proyekto, lalo na ang mga may kinalaman sa urban development.

Para mas magabayan ang participants, nagkaroon ng series ng presentations ukol sa mga susunod na paksa: Programs, Projects, Policies ng DHSUD na may kaugnayan sa Land Use at Zoning; Land Use Development and Management Guidelines and Practices; Crafting of the Zoning Ordinance: Legal Mandates and Development Controls at Guidelines kaugnay ng Land Use at Zoning Ordinances. 

Nagkaron din ng presentasyon ukol sa Zoning-related practices ng ibang lungsod sa National Capital Region tulad ng Pasay at Makati, at ang Transport-Oriented Development na ginawa sa Bonifacio Global City, Taguig para maging gabay o reference din sa pagbalangkas ng panukalang Zoning Ordinance ng Pasig. 

Naging paksa naman ng ikalawang araw ang presentasyon ng mga pagbabago sa land use at zoning categories (i.e., residential, commercial, industrial) sa bawat barangay sa Pasig, na nakasaad sa kasalukuyang Zoning Ordinance ng Pasig (na naipasa noong 2015 at epektibo hanggang 2023) kumpara sa mga panukalang land use at zoning categories sa binubuong Zoning Ordinance na magiging epektibo naman hanggang sa 2031 sa oras na maipasa ito. 

Nagkaroon din ng workshop ukol sa barangay-level issues sa Pasig City Zoning at Development Guidelines, kung saan nahati ang participants sa limang grupo: West Barangays (San Antonio, Ugong, Oranbo, Kapitolyo, Bagong Ilog, at Pineda); North and East Barangays (Santolan, Dela Paz, Manggahan, Rosario, at Sta. Lucia); Central and Southeast Barangays (Maybunga, Caniogan, San Miguel, at Pinagbuhatan); South Barangays (Buting, Bambang, Kalawaan, at San Joaquin); at PURA o Poblacion Urban Redevelopment Area Barangays (Sta. Rosa, Sumilang, Bagong Katipunan, San Jose, Kapasigan, Sagad, Sta. Cruz, Sto. Tomas, Malinao, Palatiw, and San Nicolas). 

Sa workshop na ito nagkaroon ng pagkakataon ang participants na magkaroon ng mas masinsinan at mas malalim na diskusyon patungkol sa mga naging rekomendasyon na re-classification ng land use and zoning categories batay sa kasalukuyang “actual use” ng ating land area sa Pasig.

Matapos ang naging diskusyon kada-grupo ay nagkaroon din ng plenary presentation para makapag-komento rin ang participants sa naging output ng ibang grupo, lalo na ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod na nakadalo sa workshop.

Matapos ang two-day consultation-coordination meeting na ito ay tututukan naman na ma-integrate sa working draft ang naging inputs mula sa workshop. Nakatakda rin sa mga susunod na buwan ang pagtitipon ng mga kinatawan na mula naman sa mga barangay ng Pasig upang makuha rin ang kanilang inputs at ma-consider ang mga ito sa panukalang Zoning Ordinance. 

Ang aktibidad na ito ay pinangasiwaan ng City Planning and Development Office – katuwang ang Tomeldan, Alli & Molina (T.A.M) Planners Co. at Rurban Strategic Development Planners, Inc. (RSDPI) – ang opisinang nangunguna sa pagbuo ng Pasig City Land and Water Use Plan 2023-2031 at pagbalangkas din ng panukalang Zoning Ordinance.