TINGNAN: Turnover Ceremony ng Bahay Bulilit Learning Center sa Brgy. Manggahan

May 22, 2024


Opisyal nang itinurn over ang Bahay Bulilit Learning Center sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, partikular sa Pamahalaang Barangay ng Manggahan, sa isang ceremony na ginanap kahapon, May 21, 2024, sa Kataasan Covered Court, Katipunan St., Brgy. Manggahan.

Ang nasabing Bahay Bulilit Learning Center ay donasyon mula sa Ronald McDonald House Charities of the Philippines, Inc. (RMHC). Layon ng proyektong ito ng RMHC, sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, na matugunan ang mga pangangailangan sa early childhood care and development (ECCD), lalo sa Barangay Manggahan.
Sa kanilang mga pahayag, nagpasalamat sina Mayor Vico Sotto, Brgy. Manggahan Chairperson Quin Cruz, at Brgy. Manggahan ECCD Teacher Freda Asis sa Mcdonald’s Philippines at RHMC para sa pagkakatayo ng Bahay Bulilit Learning Center – ibinahagi nila ang naging problema sa naunang site at structure ng existing nang ECCD Center noon, na hindi pagmamay-ari ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig kaya kinailangang i-vacate ito at nawalan ng lugar ang isa sa ECCD Centers sa nasabing barangay.
Sa tulong ng Bahay Bulilit Learning Center, ang mga mag-aaral ng Manggahan Child Development Center XI ay nagkaroon ng bagong tahanan na siyang makakatulong sa paghasa ng kanilang reading at writing skills para sila ay maging handa sa pagpasok nila sa elementarya. Bukod sa istruktura, kasama rin sa idinonate ng RMHC ang mga libro, laruan, electric fan, lamesa, at upuan para sa mga mag-aaral.
Kinilala rin ni Mayor Sotto ang sipag, galing, at malasakit ng teachers ng ECCD Centers sa lungsod at sa mga kabataang Pasigueño at binigyang diin niya na malaki ang papel ng teachers ng Day Cares sa edukasyon ng mga bata, lalo na sa pagtuturo ng mga basic na kailangang malaman ng mga ito, tulad ng pagbabasa at pagsusulat. Ayon pa sa alkalde, kung marunong na magbasa at magsulat ang mga bata, susunod na rin ang pagkatuto ng mga ito sa ibang bagay. Kaya naman patuloy pang pag-iibayuhin at pagbubutihin ang ECCD sa Lungsod ng Pasig, sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, partikular ng City Social Welfare and Development Office.
Present din sa nasabing turnover ceremony sina Congressman Roman Romulo, mga miyembro ng Brgy. Manggahan Council, City Social Welfare and Development Office Head Ms. Ma. Teresa Briones, mga guro ng ECCD sa Brgy. Manggahan, at mga mag-aaral at kanilang mga magulang.