TINGNAN: TURN OVER CEREMONIES NG 27 PATIENT TRANSPORT VEHICLES PARA SA MGA BARANGAY NG PASIG CITY

February 13, 2024



Katulad ng naging distribusyon ng fire trucks para sa mga barangay noong 2023, tatlong turn over ceremonies din ang ginanap ngayong araw, February 13, 2024 para sa pamamahagi naman ng patient transport vehicles (PTVs) para sa 27 barangay ng Lungsod ng Pasig. Ang mga barangay na nakatanggap ng PTVs ay ang mga barangay na may request mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Nauna ang naging turn over ceremony sa East Bank, sa Brgy. Manggahan kung saan walong (😎 barangay ang pinagkalooban ng PTVs (Manggahan, Maybunga, Pinagbuhatan, San Miguel, Santolan, Sta. Cruz, Sto. Tomas, at Sta. Lucia).
Mula sa Brgy. Manggahan, nagtungo naman ang grupo sa Emerald Ave., sa Brgy. San Antonio. Pitong (7) barangay naman ang tumanggap ng PTVs sa turn over ceremony na ito (Bagong Ilog, Kapitolyo, Oranbo, Palatiw, Pineda, San Antonio, at Ugong).
Nagtapos ang series ng turn over ceremonies sa Caruncho Ave., sa Brgy. San Nicolas kung saan naka-cluster ang karamihan sa mga barangay (12) na makakatanggap ng PTVs: Bambang, Buting, Caniogan, Kalawaan, Kapasigan, Malinao, Sagad, San Nicolas, San Joaquin, San Jose, Sta. Rosa, at Sumilang).
Sa bawat turn over ceremony ay nagbigay ng mensahe sina Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) Chief Bryant Wong na nagbigay ng backgrounder at features ng PTVs na ipapamahagi sa mga barangay; City Health Department Head Joseph Panaligan na nagbahagi naman sa kahalagahan ng pagkakaroon ng PTVs para sa mga barangay, at sina Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski Jr, at Mayor Vico Sotto na nagpahayag naman ng pagbati sa mga barangay na makakatanggap ng PTVs.
Ilan sa features/specifications ng PTVs ang pagkakaroon ng howler low-frequency tone siren at blinkers/lights na makakatawag ng atensyon ng mga makakasabay ng PTVs sa daan para masiguro na magbibigay daan ang mga kasabay nitong sasakyan at makakaraan ang mga ito, lalo kapag may sakay na pasyente. Ang Pasig ang unang local government unit na gumagamit ng ganitong technology sa Pilipinas para sa fire trucks at PTVs dahil kahit ang Bureau of Fire Protection ay hindi pa gumagamit nito.
Bukod pa rito, ang PTVs ay may inverter na may oxygen concentrator at may kasama ring libreng preventive maintenance service (hanggang 20,000 mileage) na sagot ng service provider at gagawin nang onsite (ibig sabihin, kung nasaan ang PTVs at hindi kailangang dalhin sa service center).
Sa kanyang pahayag, ipinagmalaki ni Mayor Vico Sotto na talagang pinag-isipan at pinag-aralan ang terms of reference/specifications ng PTVs. Aniya, “Talagang madetalye, tinitingnan nila (DRRMO and CHD) ang lahat, at pinag-aaralang mabuti kung ano ang kailangan. Ano ba dapat ang nasa TOR (terms of reference). Ano yung feedback mula noon, gaya nung sa maintenance ng sasakyan, yung PMS natin. At yung mga bagay katulad ng oxygen concentrator. Yung mga learning mula sa pandemic at huling mga taon, in-incorporate natin yan. Hindi basta-basta na maisip lang. Hindi nag-iimbento, talagang pinag-aaralan. Hanggang yung sa Singapore nga ay pinag-aralan natin (referring to the howler low- frequency tone siren)."
Layunin ng pamamahagi ng PTVs sa mga barangay ang patuloy na pagpapabuti at pagpapalawig pa ng kakayahan ng mga ito para matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. Sa tulong ng PTVs, direktang makakapagbigay ng transportation services para sa mga residente nilang nangangailangang makapunta sa health facilities (i.e., ospital, dialysis centers, barangay health centers, at iba pa) na hindi na kailangang magtawag ng ambulansya mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig o mismong barangay. Sa pamamagitan nito ay mas matutugunan at mapagtutuunan ng ambulansya ang emergency cases na mas nangangailangan ng mga ambulansya.
Ang turn-over ceremonies na ito ay naging posible sa pangunguna ng Pasig City DRRMO.