TINGNAN: PHP15 BILLION NA 2023 ANNUAL BUDGET NG PAMAHALAANG LUNGSOD NG PASIG, APRUBADO NA!
November 10, 2022
TINGNAN: PHP15 BILLION NA 2023 ANNUAL BUDGET NG PAMAHALAANG LUNGSOD NG PASIG, APRUBADO NA!
Pormal na inaprubahan ng 11th Pasig City Council ang PHP 15,000,000,000.00 na panukalang Executive Budget ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig para sa taong 2023. Ito ay matapos ang masusing budget deliberations, kung saan ang bawat departamento o opisina ay humarap sa mga miyembro ng 11th Pasig City Council para sumagot sa mga katanungan at makapagbigay ng kalinawan sa mga concerns ng City Council ukol sa panukalang budget.
Ngayong araw, November 10, 2022 ay ginanap ang ikatlong pagbasa ng Proposed Ordinance No. 23-2022 o ang Appropriations Ordinance ng Lungsod para sa 2023. Bawat isang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ay nagpahayag ng kanilang suporta para pormal na maaprubahan ang budget para sa 2023
Sa kanyang speech, pinasalamatan ni Mayor Vico Sotto ang lahat ng tumulong para mabalangkas, mabuo, at maaprubahan ang budget, lalo na ang mga miyembro ng Local Finance Committee at ng 11th Sangguniang Panlungsod. Aniya, ang budget deliberations para sa proposed 2023 Annual Budget ang pinaka-exhaustive at masinsin na budget deliberations sa pangunguna ng 11th City Council, na nagtaas pa ng antas ng paglilingkod sa Sangguniang Panlungsod para sa mga Pasigueño sa pamumuno ni Vice Mayor Dodot Jaworski. Bukod pa rito, kanyang binigyang diin na ang pinakaimportanteng trabaho ng anumang Sanggunian ang makapagpasa ng budget dahil kung wala ang appropriation o budget ordinance, wala ring magagawa ang executive na sangay ng pamahalaan.
Nagpasalamat din si Mayor Sotto sa mga kinatawan ng mga civil society organizations na nagbigay ng panukala, suhestiyon, at feedback para mapabuti pa ang panukalang budget ng lungsod, na siya namang direksyon na gustong tahakin ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig --- gawing inklusibo ang paggogobyerno at mapalawak pa ang engagement ng mga mamamayan sa lokal na pamahalaan.
Samantala, nagpasalamat naman si Vice Mayor Dodot Jaworski sa lahat ng nakiisa para maaprubahan ang panukalang budget para sa 2023. Aniya, responsibilidad ng mga kawani ng lokal na pamahalaan na siguraduhin na ang bawat piso ng budget ay mapupunta sa mga programa, proyekto, at mga aktibidad na makakatulong sa mga Pasigueño. Binigyang diin niya ang importansya ng pagsusulong ng wastong paggamit ng budget at na nararapat na gamitin ito para mapabuti ang buhay ng mga Pasigueño -- para patuloy ang pag-agos ng pag-asa sa Pasig.
Matatandaang opisyal na isinumite ng ehekutibo sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto sa lehislatibo, sa pangunguna ni Vice Mayor Dodot Jaworski, ang panukalang budget para sa 2023 noong October 13, 2022.