TINGNAN: PASIG CITY, NAKATANGGAP NG SEAL OF PROTECTION – GOLD AWARD MULA SA GSIS

November 30, 2023



Isa ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa dalawang recipients ng Seal of Protection – Gold Award mula sa Government Service Insurance System (GSIS) na iginawad kahapon, November 29, 2023, sa isang Awarding Ceremony na pinamagatang Pagpupugay sa mga Kaagapay ng GSIS.

Pinangunahan nina Vice Mayor Dodot Jaworski, Jr., kasama ng mga representante mula sa Office of General Services (OGS), sa ilalim ng pamumuno ni Ms. Ruth Romano, ang pagtanggap ng nasabing award para sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig. 

Ipinagkakaloob ng GSIS ang Seal of Protection – Gold Award, ang pinakamataas na antas ng Seal of Protection, sa mga tanggapan ng pamahalaan (national government agencies, local government units, government-owned and controlled corporations) na: may at least 90% ng kabuuang halaga na insured, ayon sa naisumiteng Property Insurance Fund, ay insured sa ilalim ng policy ng GSIS; may tatlong active policies sa alinmang insurance lines ng GSIS (floated, marine hull, GPAI, aviation, miscellaneous, o engineering insurance); at may good housekeeping/risk mitigation measures na may patotoo (certified) mula sa GSIS Underwriting Department.

Ang OGS ang opisina sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig na nagsisiguro na ang mga pagmamay-ari ng Lungsod ay mayroong insurance. Matatandaang noong nagkaroon ng sunog sa Pasig City General Hospital noong 2021, ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig ay nakatanggap ng higit PHP10M bilang insurance claim dahil insured ang pasilidad na ito sa ilalim ng GSIS na naiturn over noong 2022.

Ang pagkilala na ito ay patunay na ang mga mekanismong ipinapatupad na parte ng internal good housekeeping (o madalas tawagin ni Mayor Vico Sotto bilang foundational reforms) ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay nagbubunga ng magandang resulta para sa Pasig. Ika nga niya sa kanyang mensahe sa Flag Raising Ceremony noong Martes, basta gawin ng mga opisyal at empleyado ang kanilang trabaho nang tama sa araw araw, magdadatingan ang mga award o pagkilala. Pagpapatoo rin ito na bilang iingat sa public resources ng Pasig, pinahahalagahan ng Pamahalaang Lungsod ang bawat sentimo na inilalaan para sa pagbili ng assets, equipment, property, at iba pang pagmamay-ari nito) sa pamamagitan ng pagsasailalim sa mga ito sa insurance policy ng GSIS.

#UmaagosAngPagasa