TINGNAN: PASIG CITY LIVELIHOOD TRAINING CENTER CERTIFICATION DAY 2024

August 14, 2024



Nasa 4,500 trainees ang matagumpay na nagsipagtapos sa naganap na 44th Pasig City Livelihood Training Center Certification Day ngayong araw, August 14, 2024, sa Rizal High School Gymnasium.

Sa pamamagitan ng Livelihood Training Center, tinulungan at ginabayan ang mga trainee mula sa iba’t ibang barangay sa Lungsod ng Pasig na paunlarin ang kanilang kakayahan sa napili nilang kurso. Ilan sa mga kurso ng mga nagsipagtapos ay ang mga sumusunod: arts and crafts, beauty care, hair dressing, bread and pastry production, dressmaking, food processing, cookery, housekeeping, massage therapy, at silk screen printing.
Dumalo sa nasabing Certification Day sina Mayor Vico Sotto at Vice Mayor Dodot Jaworski, Jr. na nagbigay ng mensahe ng inspirasyon at pag-asa para sa mga nagsipagtapos. Present din dito sina Congressman Roman Romulo, Konsehal Simon Tantoco, Konsehal Syvel Asilo-Gupilan, Konsehal Angelu de Leon, at Konsehal Maro Martires. Pinangunahan din ng mga nabanggit ang pamamahagi ng certificates sa mga graduate bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at dedikasyon.
Kasama sa mga nagsipagtapos ang 86 years old na si Ginoong Manuel de Castro at 85 years old na si Ginang Florentina Lorenzo na parehong kumuha ng kursong arts and crafts. Ang mga ito ay patunay na hindi hadlang ang edad para sa patuloy na pagsusumikap na matuto o ang pagsusulong ng lifelong learning.
Bukod sa certificate, makakatanggap din sila ng “Starter Fund” na nagkakahalagang PHP 2,000.00. Ang halagang ito ay magsisilbing suporta ng lokal na pamahalaan sa mga graduate sa kanilang pagsisimula ng maliit na negosyo o para sa kanilang pangkabuhayan, gamit ang kanilang natutunan sa kanilang napiling kurso.
Ang mga programa ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig gaya ng pagbibigay ng livelihood skills training sa mga Pasigueño ay nagpapatunay sa dedikasyon ng lokal na pamahalaan para mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na mapaunlad ang kanilang kaalaman at kakayahan, at sa tulong nito – ang kanilang pamumuhay.
Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, congratulations sa lahat ng Pasig City Livelihood Training Center graduates!