TINGNAN: PASIG CITY INSTITUTE OF SCIENCE AND TECHNOLOGY CERTIFICATION DAY 2024

August 15, 2024


Isang mainit na pagbati sa trainees ng Pasig City Institute of Science and Technology (PCIST) na nagsipagtapos sa naganap na 26th PCIST Certification Day ngayong araw, August 15, 2024, sa Rizal High School Gymnasium.

Sa kabuuan, 1,514 trainees mula sa tatlong campus ng PCIST ang nagtapos kung saan nasa 242 trainees ang mula sa Manggahan Campus, 384 trainees naman ang sa Sta. Lucia Campus, at 888 trainees mula sa Bambang Campus.
Ang mga nagsipagtapos ay sumailalim sa iba’t ibang Technical Vocational (TechVoc) Courses na kanilang napili. Mga trainee mula sa 18 course offerings ng PCIST ang grumaduate. Ilan sa mga kursong ito ay ang Automotive Servicing; Barista; Bartending; Beauty Care (Nail Care) Services NC II; Bread and Pastry Production NC II; Computer Systems Servicing; Electrical Installation and Maintenance; at Shielded Metal Arc Welding NC I at NC II.
Present sa Certification Day sina Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Dodot Jaworski Jr., Konsehal Simon Tantoco, at Konsehal Angelu de Leon para magpaabot ng pagbati sa mga nagsipagtapos. Sa kanyang mensahe, binanggit ni Mayor Vico ang mga plano kaugnay ng patuloy na pagpapabuti pa ng mga programa ng lungsod na may kaugnayan sa TechVoc na may layong matulungan na maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat mamamayan at pamilyang Pasigueño.
Bilang pagkilala at pagsuporta ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa mga nagsipagtapos, bukod sa sertipiko ay nakatanggap din sila ng “Starter Fund” na nagkakahalagang PHP4,000.00. Ang nasabing halaga ay inaasahang makakatulong sa mga nagsipagtapos sa pag-aasikaso ng kanilang TESDA assessment at pagkuha ng National Certificate, pagsisimula ng maliit na negosyo, paghahanap ng trabaho, o kaya naman ay para patuloy na paunlarin ang kanilang mga kakayahan.
Muli, mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, congratulations sa lahat ng nagsipagtapos! Patuloy nating itaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pasigueño!