TINGNAN: PASIG CITY GRAND HERITAGE AND CULINARY TOUR

July 2, 2024



Hindi nagpatinag sa init ng araw ang tinatayang nasa 90 kalahok sa Pasig City Grand Heritage and Culinary Tour na ginanap noong Sabado, June 29, 2024.
Binubuo ang participants ng mga Pasigueño na nagpahayag ng interes na sumama sa unang public offering ng Pasig City Heritage and Culinary Tour para sa taong 2024 at maging mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Sa tulong ng volunteer tour guides mula sa Kabataang Tambuli ng Pasig at Arellano University - School of Hospitality and Tourism Management, hitik ang naging kaalaman ng mga lumahok sa Walking Tour tungkol sa iba't ibang heritage sites sa Poblacion area at maging sa kasaysayan ng Lungsod ng Pasig.
Unang nagpunta ang grupo sa monumento ni Lope K Santos na matatagpuan sa harap ng Pasig City Library and Learning Resource Center, kung saan matatagpuan din ang Bantayog ng Wika.
Lumakad lamang palabas ng Caruncho Ave. ay narating din ng grupo ang World War II Monument kung saan ipinagdiriwang ang Liberation Day ng Pasig tuwing buwan ng Pebrero.
Pagkatapos nito ay naglakad naman ang grupo papunta sa Dimanlig St., para sa Asamblea Magna marker at monumento ni General Valentin Cruz.
Dinaanan din ng grupo ang Gabaldon Building ng Pasig City Central Elementary School, kung saan nag-aral ang ilang kilalang Pasigueño tulad nina former Senators Jovito Salonga at Rene Saguisag.
Naging parte rin ng tour ang Bitukang Manok na tinahak ng grupo mula sa Dimanlig St., palabas sa malapit sa Victoria Bulding kung saan nagkaroon na rin ng disksyon tungkol sa Parian Creek at Plaza Familia bago tuluyang tumawid papuntang Plaza Bonifacio.
Mula sa Plaza Bonifacio ay nagtungo ang grupo sa Immaculate Conception Cathedral of Pasig, kung saan nagkaroon din ang mga kalahok ng pagkakataong makapasok sa Museo Diocesano de Pasig (MDP) sa tulong nina Thirdy Ballesca, Peter Reyes, Ryan Perez, JM Limpoco, at iba pa mula sa DMP.
Sa pagbisita sa MDP, nabigyan ng "sneak peak" ang mga kalahok sa "Saplot ng Kasaysayan: Isang Sulyap sa Tunay na Bihis ng Pilipinas" collection. Sa parte ng tour sa MDP din nakita ang mural na gawa ni Derrick Macutay na kinilala bilang isang Outstanding Pasigueño sa larangan ng pagpipinta.
Pagkatapos ay dinaanan din ang Colegio del Buen Consejo, Beaterio de Sta Rita de Pasig, at ang museo rito bago tuluyang pumunta sa Plaza Rizal, kung saan naman nagkaroon na rin ng diskusyon tungkol sa Concepcion Mansion na ngayon ay nagsisilbing Pasig City Museum.
Para sa pagtatapos ng Walking Tour, nagsilbing final stop ang Bahay na Tisa, kung saan mainit na tinanggap ng pamilyang Tech, sa pangnguna ni G. Marie Antoinette Tech Mendoza, ang mga kalahok sa tour sa kanilang ancestral house.
——
Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, maraming salamat sa lahat ng lumahok sa Pasig City Grand Heritage and Culinary Tour na naging parte ng selebrasyon ng Araw ng Pasig 2024.
Ipinaaabot din ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang lubos nitong pasasalamat sa mga nangangalaga ng built heritage sa Lungsod ng Pasig at sa mga nagsilbing tour guides para sa round ng Walking Tour na ito. Naging posible ang Pasig City Grand Heritage and Culinary Tour sa pangunguna ng Pasig City Cultural Affairs and Tourism Office.