TINGNAN: PAMANANG GALING NG PASIGUEÑO
August 28, 2023
Isang gabing punum-puno ng musika, kultura, at selebrasyon ng talento ng mga Pasigueño ang nasaksihan ng lahat sa mga pagtatanghal na bahagi ng Pamanang Galing ng Pasigueño: Layag na ginanap sa Tanghalang Rizal noong Sabado, Agosto 26, 2023.
Tinatayang ang Layag ang isa sa pinakamalaking kultural na pagtatanghal sa Lungsod ng Pasig, kung saan nagpamalas ng galing at talento ang nasa halos 20 indibidwal/grupo ng mga Pasigueño.
Upang mas maging epektibo ang pagsasalaysay ng nakaraan, kasalukuyan, at maging diskusyon ng posibleng hinaharap ng Lungsod ng Pasig, hinati sa apat na parte ang mga naging pagtatanghal: Ang Bayan ng Pasig; Pasig sa Pananampalataya, Kultura, at Tradisyon; Ang Diwa ng Pagbangon; at Kapayapaan at Selebrasyon. Para habiin ang naratibo at pagkakaugnay-ugnay o tema ng mga naging pagtatanghal kada grupo ay nagkaroon ng narasyon sa tulong nina Dr. Nestor Castro at G. Jarred Echevarria.
Ang Pamanang Galing Pasigueño: Layag ay isa sa mga handog ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ngayong #PanahonNgPasigueño kaugnay ng isang taong selebrasyon ng ika-450 Araw ng Pasig, pati na rin ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto at nalalapit na paggunita sa Nagsabado sa Pasig sa darating naman na Agosto 29.
—-
Lubos na nagpapasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig, lalo na ang mga namuno sa produksyon ng Pamanang Galing ng Pasigueño: Layag, sa mga indibidwal at grupo na nagbahagi ng kanilang oras at talento kaya naman naging matagumpay ang naging paglalayag ng Pamanang Galing ng Pasigueño: Kina Bb. Lorraine Jane Aquino, Sindaw Philippines Performing Arts Guild, Salayaw Dance Company, Santolan High School Balye sa Kalye Dance Troupe, Bb. Thea Edades, Rizal Technological University (RTU) Kultura Rizalia, Rizal High School Folkloric Dance Troupe, Batang Pineda, Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP) Himig Chorale, Caniogan Elementary School Teachers’ Choir, Bb. Aya Camille Porral, Bb. Ara Caress Porral, RTU Tunog Rizalia Rondalla, mga kinatawan ng Immaculate Conception Cathedral of Pasig Parish Youth Ministry G. Joshua Flores at G. Kreilan Geronimo, G. Russ Cuevas at mga Mutya ng Pasig 2023 Candidates, Mananayaw ng Buting, Pasig City Band, Buting Senior High School Kasaglaw Dance Troupe, PLP Pasigyaw, at RTU Himig Rizalia; pati na rin kina Dr. Castro at G. Echevarria, at higit sa lahat, kay G. Mark Jervin Ventura para sa naging konsepto ng Layag.
Hindi nakapanuod ng Pamanang Galing ng Pasigueño: Layag noong Sabado? Mapapanuod ang mga pagtatanghal sa mga link na ito:
Part 1: https://bit.ly/PGP_Layag_Part1
Part 2: https://bit.ly/PGP_Layag_Part2