TINGNAN: Pagpapasinaya sa Monumento ng Ama ng Balarilang Pilipino at isang natatanging Pasigueño: Lope K. Santos

March 21, 2023



Bilang parte ng selebrasyon ng ika-450 Araw ng Pasig, pinasinayaan kahapon, March 20, 2023 ang monumento ni Lope K. Santos sa isang maiksing programa na pinamagatang: A Homage to Lope K. Santos and His Life Legacy.


Dinaluhan ang programa ng mga kinatawan mula sa pamilya ni Lope K. Santos, National Artist for Literature Virgilio S. Almario, National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Chairperson Virgilio Manalo, mga kinatawan mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, at Pasig City Local Council for Culture and the Arts.


Sa kanyang pagbibigay pugay kay Lope K. Santos, ibinahagi si National Artist for Literature Virgilio Almario ang paghanga at papuri sa natatanging Pasigueño. Ibinahagi niya rin ang kanyang iniakda "Ang pangginggera at mga piling tula ni Lope K. Santos" na nailathala noong taong 1990. 

Sa kanilang mga pahayag naman ay nagpasalamat ang mga miyembro ng pamilya ni Lope K. Santos na sina Prof. Maria Arlene Fernali S. Tuazon-Disimulacion, MBA, CESE, G. Ibarra Garcia, at Gng. Mayumi Santos sa pagkilala sa kanya at kanyang ambag sa panitikang Pilipino, pagtatanggol, at paglilingkod sa bayan.


Naging paksa naman ng pahayag ni NCCA Chairperson Manalo ang pagiging well-rounded ni Lope K. Santos na isang patunay na posibleng maging nobelista ang isang abogado, at maging gobernador ang isang nobelista. Sa pagsariwa sa naging buhay ni  Lope K. Santos, ipinaalala ni Chairman Manalo na dapat ay mamulat ang bawat isa sa katotohanan na walang hangganan ang kapasidad ng tao — hindi dapat matali lamang sa iisang larangan— katulad ni Lope K. Santos.


Samantala, iisa naman ang tema ng pahayag mula sa mga kinatawan ng Lokal na Pamahalaang ng Pasig: na parte ng selebrasyon ng ika-450 Araw ng Pasig ay pagbabalik tanaw sa kasaysayan ng Lungsod ng Pasig sa pamamagitan ng pag-highlight sa mga historical, tanyag, at mga dalubhasa sa iba't ibang larangan na Pasigueño; ito ay pagbalik sa pagkilala sa mayamang kasaysayan at kultura sa Pasig. Tungo sa isang mas maunlad Pasig, nararapat na magbigay pugay at kilalanin ang mga natatanging Pasigueño.


Naging parte rin ng pag-alala kay Lope K. Santos ay ang pagbigkas ng tatlong miyembro ng United Social Studies Federation ng Rizal Technological University- Pasig sa ilang piling tula ng Ama ng Balarilang Pilipino. 


Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na magsilbing insipirasyon sa mga susunod pang henerasyon ng Pasigueño ang mga gaya ni Lope K. Santos. 


#PanahonNgPasigueño