TINGNAN: PAGPAPASINAYA NG HERITAGE MARKER NG ASEMBLEA MAGNA

August 29, 2023









Kasabay ng paggunita sa Nagsabado sa Pasig ngayong araw, Agosto 29, 2023, ay isinagawa ang pagpapasinaya ng heritage marker ng asemblea magna o dakilang pulong ng Katipunan sa Pasig na ipinwesto sa busto ni Heneral Valentin Cruz na matatagpuan sa Brgy. San Nicolas. 

Sampu ng mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, kabilang ang mga kinatawan ng Sangguniang Panlungsod, kinatawan ng Pasig sa mababang kapulungan, at mga opisyal mula sa Brgy. San Nicolas, dinaluhan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang nasabing pagpapasinaya, sa pangunguna ni Chairman Emmanuel F. Calairo. Parte ng programa ang  paglagda sa katibayan sa paglilipat ng heritage marker mula sa NHCP sa pangangalaga ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Highlight din ng naging maiksing programa ang pagbibigay ng mensahe ni G. Albert Contreras, isa sa mga kaanak ni Heneral Valentin Cruz. 

—-

Ang Nagsabado sa Pasig ang itinuturing na unang matagumpay na pag-aaklas sa ilalim ng rebolusyon laban sa Pamahalaang Kolonyal ng Espanya noong Agosto 29, 1896 na pinangunahan ni Heneral Valentin Cruz ng San Nicolas, Pasig. Ayon sa mga historyador, dito sinambit ni Gat. Andres Bonifacio ang linyang “Tunay na magigiting ang batampasig.”

Samantala, ang Asemblea Magna naman ay ginanap noong Mayo 12, 1896, sa lugar kung saan inilagay ang heritage marker. Ang Asemblea Magna ang makasaysayang pagpupulong ng mga lider ng KKK na sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Dr. Pio Valenzuela, at Heneral Valentin Cruz tungkol sa pag-aaklas laban sa Espanya.