TINGNAN: Paglulunsad ng Ika-450 Araw ng Pasig | Panahon ng Pasigueño
March 19, 2023
Opisyal nang inilunsad ang pagdiriwang ng ika-450 Araw ng Pasig noong Lunes, March 13, 2023. Dahil isa itong importanteng milestone para sa Lungsod ng Pasig at sa mga Pasigueño, year-long ang magiging pagdiriwang dito!
Naghanda ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pakikipagtulungan sa iba't ibang stakeholders at sektor sa ating Lungsod, ng iba't ibang aktibidad upang maging memorable para sa bawat Pasigueño ang magiging pagdiriwang ng ika-450 Araw ng Pasig. Abangan ang mga ito sa mga darating na araw at buwan!
Highlight ng naging paglulunsad ang pagpapasinaya ng logo ng ika-450 Araw ng Pasig. Para maunawaan ang mga elemento at kulay na ginamit para mabuo ang logo na ito, ipinaliwanag ito ni Sangguniang Panlungsod Committee on Cultural and Spiritual Affairs Chairperson Angelu de Leon. Nagpahayag din ng mensahe sina Congressperson Roman Romulo at Vice Mayor Dodot Jaworksi, Jr. ukol sa magiging selebrasyon ng ikaw-450 Araw ng Pasig na nakasentro sa bawat Pasigueño.
Samantala, sa pahayag ni Mayor Vico Sotto, ini-highlight niya na ang ipinagdiriwang ng Pasig tuwing ika-2 ng Hulyo ay ang pagkakatatag ng "poblacion" ng Pasig sa kasalukuyan niyong lokasyon noong taong 1573. Ipinahayag niya rin na isang karangalan para sa kanya na mabuhay at maglingkod sa Pasig sa ika-450 taon nito.
Nagkaroon din ng special performances ang sumusunod na grupo sa launching event na naganap:
Kultura Rizalia at Himig Rizalia ng Rizal Technological University – Pasig, Himig Chorale ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig, at Rizal High School Folkloric Group. Binuksan naman ang programa sa saliw ng pagtugtog ng Pasig City Band at kanta ng Coro Pasigueño.
Panuorin ang live ng naging paglulunsad sa link na ito: https://bit.ly/PanahonNgPasigueno_Pasig450