TINGNAN: Paglagda ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at Department of Human Settlements and Urban Development
May 2, 2024
Nagkaroon ng ceremonial signing ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) noong isang linggo, April 24, 2024 para sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Ang 4PH Program ay proyekto ng nasyunal na pamahalaan, sa pangunguna ng DHSUD at pakikipagtulungan nito sa key shelter agencies (hal. National Housing Authority, Social Housing Finance Corporation) na naglalayong matugunan ang pangangailan ng pabahay ng nasa higit na anim na milyong pamilyang Pilipino sa buong bansa sa taong 2028.
Para sa naturang kasundaan, ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang tutukoy sa informal settler families (ISFs) na magiging benepisyaryo ng nasabing housing project. Bukod pa rito ay magiging parte rin ng Pamahalaang Lungsod sa partnership na ito ang paglalaan ng housing development site (lugar sa lungsod) kung saan maaaring maitayo ang housing project.
Sa Lungsod ng Pasig, binibigyang prayoridad para sa mga programa sa pabahay ang ISFs, lalo na ang mga nakatira sa danger zones. Isinusulong din ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang in-city housing para masiguro na mananatili ang access ng mga lilipat dito sa iba't-ibang serbisyo ng lokal na pamahalaan, at malapit sa mga paaralan, merkado, maging mga oportunidad na makapaghanapbuhay.
Matatandaang noong July 3, 2023, bilang parte ng selebrasyon ng ika-450 Araw ng Pasig, ay inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang Zero Informal Settler Family Program, at tiyak na makakatulong ang 4PH Program para rito.
Ipinahayag ni Mayor Vico Sotto ang kanyang pagsuporta sa 4PH Program, lalo na at malaki ang magiging kontribusyon nito para makatulong sa programa rin ng lokal na pamahalaan sa ISFs.
Samantala, ipinaabot naman ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar ang kanyang pasasalamat sa Lungsod ng Pasig para sa suporta nito sa proyekto ng nasyunal na pamahalaan, maging sa pagkakataon na makapaglingkod sa mga Pasigueño at makatulong ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig, kung saan inaasahan niya na may best practices mula sa partnership na ito, na maaaring maibahagi rin o mai-apply sa iba pang proyekto ng DHSUD sa pakikipagtulungan sa iba pang lokal na pamahalaan sa bansa.