TINGNAN: Opisyal nang iginawad ang 2024 Seal of Good Local Governance Award sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig

December 9, 2024



TINGNAN: Opisyal nang iginawad ang 2024 Seal of Good Local Governance Award sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig

Bilang pagkilala sa tapat at mahusay na pamamahala sa ating lungsod, isa ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa mga lokal na pamahalaan na ginawaran ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng 2024 Seal of Good Local Governance (SGLG) Award ngayong araw, December 9, 2024. 

Kabilang ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa 714 lokal na pamahalaan na nakatanggap ng nasabing pagkilala para sa taong 2024 na may temang: Isang Dekada ng Pagkilala sa Katapatan at Kahusayan ng Pamahalaang Lokal. 

Para tanggapin ang nasabing award, pinangunahan ni Mayor Vico Sotto ang delegasyon mula sa Lungsod ng Pasig, kasama sina City Planning and Development Coordinator Priscella Mejillano at DILG Pasig City Director Visitacion Martinez, CESO V.

Para maging kwalipikado sa 2024 SGLG, kailangang maipasa ng lokal na pamahalaan ang assessment sa “All-in” principle kaya naman dapat maipasa ang assessment sa lahat (10) governance areas: Financial Administration and Sustainability Disaster Preparedness Social Protection and Sensitivity Health Compliance and Responsiveness; Sustainable Education Business Friendliness and Competitiveness, Safety, Peace and Order, Environmental Management; Tourism, Heritage Development Culture, and Arts; and Youth Development.

Matatandaang nakakuha rin ng SGLG ang Lungsod ng Pasig noong 2023 sa ilalim pa rin ng "All-in" Principle. Taong 2014 noong unang inilunsad ng DILG ang SGLG at sa paglipas ng isang dekada - naging pahirap nang pahirap o mas stringent ang assessment para makakuha nito ang mga lokal na pamahalaan. 

Sa naging talumpati ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla sa Awarding Ceremony, inilahad nya ang ilan sa mga reporma sa SGLG na ipapatupad sa mga susunod na taon: assessment period na tatlong taon (isang termino) imbes na kada taon o annual; pag-assess ng tatlong core governance categories (fiscal management, innovation, at disaster resilience) imbes na “all-in” principle; at asahang magiging mas mahirap muli na makuha ito at mas malaki ang SGLG Incentive Fund na magagamit sa government projects alinsunod sa guidelines ng DILG. 

Mabuhay ang Lungsod ng Pasig! 

Ang tagumpay ng Pamahalaang Lungsod ay tagumpay din ng bawat Pasigueño!

____

Mapapanuod ang Facebook Live ng 2024 SGLG Awarding Ceremony sa link na ito: https://bit.ly/2024SGLG_AwardingCeremony