TINGNAN: Newborn Screening Recognition and Awards ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig
October 13, 2023
Binigyang pagkilala ng Department of Health - Metro Manila Center for Health Development ang Lungsod ng Pasig at Santolan Super Health Center para sa huwaran nitong implementasyon ng Newborn Screening Program sa lungsod sa Newborn Screening Recognition and Awarding Ceremony na ginanap noong Martes, October 10, 2023 sa Quezon City. Pinangunahan ni City Health Officer Dr. Joseph Panaligan ang delegasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na dumalo sa awarding ceremony at tumanggap ng awards para sa Lungsod ng Pasig.
Isa sa itinanghal na Top 5 Best Performing local government units (LGUs) ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig na nakatanggap ng "Exemplary Award" hango sa 17 LGUs sa Kalakhang Maynila at isa naman sa Top 5 Best Performing public health facilities na may lying in na nagawaran ng "Exemplary Award" ang Santolan Super Health Center.
Bukod sa mga plaque at certificates para sa Exemplary Awards ay nagkaloob din ang DOH-MMCHD ng PHP200,000 worth ng Expanded Newborn Screening Filter Cards (tig-PHP100,000 kada isang Exemplary Award) at maging Certificate of Recognition na ipinagkaloob din sa lahat ng LGUs ng Metro Manila para sa efforts at commitment ng mga ito sa patuloy na implementasyon ng Newborn Screening Program -- tungo sa isang Healthy Metro Manila!
Ang mga pagkilalang tulad nito ay nagsisilbing patunay sa patuloy na pagbibigay prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig tungo sa Kalusugang Pangkalahatan na may pagbibigay diin sa primary health care, tulad ng newborn screening. Ang awards na tulad nito ay nagsisilbi ring inspirasyon upang mas palawigin at mas mapabuti pa ang implementasyon ng Universal Healthcare sa Lungsod ng Pasig.