TINGNAN: LAUNCHING NG CLiMA (City-Wide Land Information Management and Automation)
July 7, 2023
Opisyal nang inilunsad ang City-Wide Land Information Management and Automation o CLiMa noong Miyerkules, July 5, 2023 sa isang maikling programa na ginanap sa 3/F ng Pasig City Hall.
Layunin ng CLiMA na mapabuti pa ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang mga serbisyo nito, lalo ang mga ipinagkakaloob ng regulatory offices, sa pamamagitan ng isang ekstensibong electronic mapping solution sa tulong ng GIS o geographic information system platform. Bukod sa patuloy na pagpapabuti ng serbisyo ng lungsod para mas maging episyente pa ang mga ito at mas maging client-friendly ay makakatulong din ito sa pagsusulong ng data-driven policymaking.
Sa kanyang mensahe noong launching, ipinaabot ni Mayor Vico Sotto ang kahalagahan ng proyekto sa Lungsod para makamit ang mas mataas na antas ng efficiency ng pamamahala sa lungsod. Aniya, isa sa mga pinakaimportanteng feature nito, ay ang pagkakaroon ng sistema at database para mapag-isa ang mga ginagamamit na datos, lalo na ng regulatory offices.
Isa sa mga matutugunan ng CLiMA ay ang pagtukoy sa kasalukuyang leakages (hal. assessment para sa Real Property Tax, na kung may deficiency ay hindi na kailangang pumunta sa lugar dahil maaari na itong i-check sa CLiMA). Ang CLiMA ay parte ng malawakang digitization efforts ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig tungo sa layunin nitong maging isang "smart city." Sa pamamagitan ng digitization, mababawasan ang human-intervention sa mga proseso na makakatulong sa pagsugpo ng korupsyon at pagsusulong ng transparency at accountability.
Ipinagmalaki rin ni Mayor Vico na sa kabila ng mga pinagdaanan ng Lungsod bunga ng pamdenya ay "above and beyond the target income" pa rin ang nakulekta nito noong nakalipas na dalawang taon. At sa tulong ng CLiMA, kung matutukoy ang leakages at makukulekta ito ng Lungsod, hindi na kakailanganing magtaas ng tax rate, di na kakailanganin magtaas ng amilyar at business tax, mas pagiibayuhin lamang ang efficiency sa pangungulekta para mas lumaki pa ang income ng siyudad at lalo pang mas mapaganda ang mga programa at proyekto para sa mga Pasigueño.
Hindi lamang proseso ng regulatory offices ang mapapabuti rito, dahil sa iba pang features ng CLiMA, katulad ng governance dash board at analytical tools (i.e., fault lines at flooding control simulation), at iba pa.
Bukod sa pagbibigay ng maiksing background sa CLiMA na pinangunahan ng City Planning and Development Office ay nagkaroon din ng demonstration sa map viewer function nito at prototypes ng Certificate of Conformance at Building Permitting -- ipinakita ang modules kung saan sa hinaharap ay magiging online na ang paggawa sa application para sa Certicate of Conformance at Building Permit at makikita rin ng mga kumukuha nito kung ano na ang status ng kanilang aplikasyon.
Ang paglulunsad ng CLiMA ay parte pa rin ng selebrasyon ng ika-450 Araw ng Pasig at patunay sa patuloy na pagsusulong ng kasalukuyang administrasyon sa isang Tapat at Masinop na Pamamahala para sa mga Pasigueño.
#PanahonNgPasigueño