TINGNAN: KICK OFF CEREMONY NG CHIKITING LIGTAS
May 3, 2023
Opisyal na inilunsad ang Chikiting Ligtas Campaign ng Pasig City kasabay ng programa para sa lingguhang flag raising ceremony kahapon, May 2, 2023.
Layunin ng campaign na ito na masiguro na ang mga bata na may edad 59 months pababa, na di pa nababakunahan o kulang sa bakuna, ay mabigyan ng mga nararapat na bakuna na angkop sa kanilang edad para maiwasan ang mga sakit tulad ng measles (tigdas), rubella, at polio. Ang mga nasabing sakit ay itinuturing na mga lubhang nakakahawa ngunit kayang maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna. Ang bakuna na gagamitin sa mga bata ay ligtas, epektibo, at ginagamit na ng ibang bansa para maproteksyunan ang mga bata mula sa mga nasabing sakit.
Parte ng naging launching program ang paglagda sa Pledge of Commitment (na sumisimbolo sa pakikiisa o pagsuporta sa Chiking Ligtas tungo sa maayos na implementasyon nito) ng iba’t ibang stakeholders ng lungsod sa kabilang ang elected officials (Mayor, Vice Mayor, City Council), mga pamunuan ng City Health Department, kinatawan ng mga barangay sa Pasig, at maging kinatawan mula sa mga pribado at pampublikong ospital sa Pasig.
Nagkaroon din ng ceremonial vaccination kung saan 10 bata mula sa Barangay Sumilang ang nabakunahan kontra rubella at measles (tigdas) at nakatanggap ng oral drops kontra polio.
Sa Lungsod ng Pasig, tinatayang nasa halos 60,000 ang may edad na 9-59 months na target age na makatanggap ng bakuna laban sa measles at rubella at nasa halos 70,000 naman ang may edad 0-59 months na target age na makatanggap ng oral vaccine laban sa polio.
Ang Chikiting Ligtas ay tatagal ng buong buwan ng Mayo. Para malaman ang schedule ng pagbabakuna sa inyong lugar, sumadya sa Barangay Health Center na pinakamalapit sa inyong tahanan.