TINGNAN: KALYESUGAN FAMILY DAY KAUGNAY NG SELEBRASYON NG WORLD ENVIRONMENTAL HEALTH DAY SA PASIG CITY
September 23, 2024
Bilang parte ng selebrasyon ng World Environmental Health Day sa Lungsod ng Pasig, iba’t ibang physical at environment-friendly activities gaya ng community bike ride, zumba exercise, Mobile Recyclable Redemption Center, at Environmental Health Fair, ang tampok sa naganap na Kalyesugan Family Day kahapon, September 22, 2024, sa Caruncho Ave., Pasig City.
Nasa 250 siklista ang nakilahok sa 20-km community bike ride na nagsimula at nagtapos sa Caruncho Ave., kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga ito na malibot ang Lungsod ng Pasig. Nakatanggap ng medalya ang finishers ng naturang bike ride. Hindi rin naman nagpahuli ang mga batang may edad 3-5 na nakipagpaligsahan naman sa push bike racing. Bukod dito, bahagi rin ng naging programa ang pagbibigay ng libreng bike lessons.
Samantala, nakiindak din ang participants sa zumba exercise na naglalayong makatulong na mapalakas ang pangangatawan at pagtibayin ang kaisipan ng mga kalahok.
Bukod sa healthy lifestyle, isinulong din ng programa ang environmental conservation sa pamamagitan ng Mobile Recyclable Redemption Center, kung saan maaaring magdala ng recyclable waste materials kapalit ng grocery items gaya ng bigas, de lata, kape, asukal, biskwit, at iba pa. Kasama rin sa aktibidad ang Environmental Health Fair, na tampok ang mga produktong Pinoy/Pasigueño na gawa mula sa recyclable materials at masustansyang pagkain at inumin. Kabilang din sa mayroong booth ang Pasig Nutrition Committee na siya namang nanguna sa pagsasagawa ng nutrition-related games — isang epektibong paraan para maitaas ang kamalayan ng mga lumahok tungkol sa nutrition-related concepts sa pamamagitan ng mga laro.
Ang Kalyesugan Family Day ay naging posible sa pangunguna ng Pasig City Health Department, sa pakikipagtulungan nito sa City Environment and Natural Resources Office, Solid Waste Management Office, at City Transportation Development and Management Office.