TINGNAN: INAGURASYON NG PASIG ECOHUB SA BRGY. MANGGAHAN

November 17, 2023



Pinasinayaan ang isang Community Ecohub sa Westbank, Brgy Manggahan noong Martes, November 14, 2023. 

Ang Ecohub na ito ay isang modernong materials recovery facility na may kakayahang gawin ang on-site composting at upcycling ng plastic at iba pang materyales. Sa tulong ng United States Agency for International Development (USAID), ay nagkaroon ng waste collection vehicles at sari-saring equipment para maproseso ang waste materials at maging compost, at ihalo ito sa low-value plastics at semento para maging bricks at pavers.

Sa sistemang ito, hindi lamang mata-transform ang mga itinuturing nang basura para maging bagong materyales, makakatulong din ito para mabawasan ang plastic pollution sa mga anyong tubig at makabawas din sa methane na sanhi naman ng organic wastes sa landfills. Sa tulong din ng Ecohub ay makakapagbigay ng job opportunities o pangkabuhayan para sa miyembro ng komunidad, lalo na sa mga kababaihan na nasa sektor ng solid waste management at recycling.

Ang Ecohub na ito ay pagtutulungang i-manage ng mga miyembro ng komunidad, local businesses, at Pamahalaang Lungsod ng Pasig. 

Dinaluhan ang pagpapasinaya ng Ecohub nina USAID Deputy Chief of Mission Y. Robert Ewing, Green Antz Builders Inc. CEO at Co-Founder Rommel Benig, Congressman Roman Romulo, Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Dodot Jaworski, Councilor Kiko Rustia, Councilor at Manggahan Barangay Chairman-elect Quin Cruz, at CENRO/SWMO Head Allendri Angeles na nagbigay ng mga mensahe patungkol sa pagkakaroon ng EcoHub. Present din ang mga representante mula sa Clean Cities, Blue Ocean (CCBO) sa pangunguna ni Mr. Joel Palma, ang Philippines Country Director nito.

Matapos ng speeches ay isinagawa ang ceremonial unveiling ng plaque of partnership para sa proyekto na sinundan naman ng guided tour sa EcoHub na pinangunahan ni Mr. Rommel Benig.

Ang EcoHub ay naging posible sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pamamagitan ng CENRO/SWMO, sa Green Antz, sa tulong ng grant mula sa USAID-CCBO.