TINGNAN: INAGURASYON NG CHILD-FRIENDLY SPACE SA MUTYA NG PASIG MEGA MARKET
November 21, 2024
Opisyal nang binuksan ang Child-Friendly Space sa loob ng Mutya ng Pasig Mega Market ngayong Huwebes, November 21, 2024 bilang bahagi ng ika-32 selebrasyon ng National Children’s Month.
Dinaluhan ng City officials at iba pang stakeholders ang nasabing inagurasyon na kinabibilangan ng 50 market vendors at 27 kabataang Pasigueño. Sinimulan ang pasinaya sa pamamagitan ng doxology performance ng 10 bata mula sa San Nicolas Day Care Center. Nagbigay ng espesyal na mensahe si Mayor Vico Sotto, na pinuri ang kontribusyon ng City Council para sa tagumpay ng proyekto.
Si Councilor Syvel Asilo-Gupilan, Chairperson ng Committee on Children’s Affairs ng 11th Sangguniang Panlungsod ng Pasig, ang nanguna sa pagbibigkas ng Panatang Makabata. Samantala, nagbahagi ng welcoming remarks at kwento tungkol sa inspirasyon at proseso sa likod ng pagbuo ng Child-Friendly Space si Ms. Ma. Teresa O. Briones, Head ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Pinangunahan ng CSWDO, katuwang ang Cultural Affairs and Tourism Office at Market Administration Office, ang pagtataguyod ng espasyong ito upang magbigay ng ligtas at maayos na lugar para sa mga kabataang Pasigueño.
Ang Child-Friendly Space, na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Mutya ng Pasig Mega Market (sa itaas ng bigasan), ay isang air-conditioned area na magkakaroon ng mga sumusunod na pasilidad: toy area, coloring area, nap area, at dalawang comfort rooms para sa lalaki at babae.
Ito ay bukas para sa publiko ngunit bibigyang prayoridad ang mga anak ng mga vendor sa Mutya ng Pasig Mega Market. Bagamat maaaring tumanggap ng mga anak ng mga mamimili, ito ay depende pa rin sa dami ng mga gumagamit ng pasilidad sa araw na iyon. Sa kalaunan, magtatalaga ng Early Childhood Care and Development personnel sa Child-Friendly Space upang masiguro ang kalidad ng pangangalaga sa mga bata rito.
Patunay ang proyektong ito ng dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na suportahan ang kapakanan ng kabataan at magtaguyod ng ligtas na kapaligiran para sa kanilang patuloy na pag-unlad.