TINGNAN: GOOD PRACTICE EXCHANGE SA PAGITAN NG PAMAHALAANG LUNGSOD NG PASIG AT PAMAHALAANG LUNGSOD NG MUNTINLUPA
August 10, 2023
Malugod na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang delegasyon mula sa Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa para sa isang Good Practice Exchange (GPE) activity na ginanap kahapon August 9, 2023.
Ang delegasyon mula sa Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ay mga kinatawan mula sa kanilang City Planning and Development Office (CPDO) na pinangunahan ng kanilang Acting Head EnP. Alvin F. Veron, kung kaya't ang CPDO rin ng Pasig ang nangasiwa sa GPE activity, sa pangunguna naman ng ating City Planning and Development Coordinator, EnP. Priscella Mejillano.
Naging paksa ng GPE activity ang pagbabahagi patungkol sa bagong organizational structure and staffing pattern ng CPDO ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig; isa sa mga kritikal na repormang isinulong upang mas mapabuti at mas mapalawig pa ang kakayahan ng nasabing tanggapan na nangunguna sa pagbalangkas ng mga mahahalagang plano para sa pagpapaunlad ng lungsod at pagsiguro at monitor ng naging implementasyon ng mga ito sa tulong ng mga departamento at opisina.
Bukod pa rito, nagkaroon din ng presentasyon patungkol sa CLIMA (City-Wide Land Information Management and Automation) na isang sistema na kamakailan lamang ay opisyal na inilunsad sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig na makakatulong sa pagsti-streamline ng mga proseso, lalo na ng regulatory offices, patungkol sa business at construction permitting, sa pamamagitan ng automation.
Matapos ang naging presentasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ay nagbahagi rin si EnP. Veron ng good practices ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa patungkol sa proseso ng pagpa-plano at pagba-budget sa kanilang lungsod, kung saan nagkaroon din ng diskusyon sa kanilang mga programa at proyekto at mga naging accomplishments at challenges din sa naging implementasyon ng mga ito.
Matapos ang mga naging presentasyon ng bawat lokal na pamahalaan ay nagkaroon din ng hitik na diskusyon kung saan malayang nakapagtanong patungkol sa mga programa at proyekto ng bawat isa upang mas mapalalim pa ang kaalaman at pag-unawa sa mga ito.
Bago tuluyang matapos ang GPE activity ay bumisita rin ang delegasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa sa tanggapan ng Disaster Risk Reduction and Management Office, partikular sa Command Control Center (C3).
Ang GPE ay maihahalintulad din sa isang benchmarking visit, kung saan nagkakaroon ng pagbabahagian ng good/best practices na maaaring batayan ng mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng mga programa at proyekto sa kanilang mga nasasakupan. Sa pamamagitan ng GPE ay nagkakaroon ng inputs na kailangan lang mai-tailorfit sa pangangailangan ng lokal na pamahalaan kung iimplementa rin ito sa kanilang lugar.