TINGNAN: GAD SUMMIT 2023
September 29, 2023
Nagtipon ang Gender and Development (GAD) Focal Point System Members (Executive Committee, Technical Working Group, Monitoring & Evaluation) at Barangay Officials ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig para dumalo sa GAD Summit 2023 na ginanap kahapon, September 28, 2023 sa Tanghalang Rizal.
Sa temang “People, Data, and Data Management: Dedicating GAD Program to People’s Needs,” nagsilbing venue ang GAD Summit 2023 upang magkaroon ng diskusyon sa kahalagahan ng pagkuha at pag-analisa ng mga datos sa pagkakaroon ng gender-responsive programs at projects ng bawat departamento, opisina, at barangay sa ating lungsod.
Sa tulong ni Ms. Abigail dela Cruz, Program Planning & Management Consultant, ay nagkaroon ng presentasyon patungkol sa good practices na dapat taglayin ng isang departamento, opisina, o barangay para mas mapaigting ang evidence-based gender-responsive governance.
Sa kasunod na lecture, ipinakita naman ni Mr. John Carlo Fatallo, OIC ng Management Information Systems Office, ang proposed online Pasig City Violence Against Women and their Children (VAWC) Reporting System. Layunin ng makabagong sistema na ito na mas mapadali ang pagkuha ng impormasyon, paggawa ng report, at pagtugon ng mga barangay at concerned offices sa mga kaso ng VAWC sa ating lungsod.
Bukod sa mga hitik na diskusyon, highlight ng GAD Summit 2023 ang pagkilala at pagbibigay parangal sa mga lumahok sa Search for the Most Gender-Responsive Barangay 2023. Ngayong taong 2023, Panahon ng Pasigueño, unang inilunsad ang search na ito na naglalayong matukoy ang barangay na mayroong best gender-responsive programs and activities at valuable contribution sa pagsusulong ng Gender and Development sa Lungsod ng Pasig. Upang maitanghal na most gender-responsive barangay, kinakailangang ma-meet ng mga barangay ang mga sumusunod na criteria: Functional Barangay GAD Focal Point System (25%); Policies, Plans, Programs, and Budget (35%); Installation of Strategic Mechanisms (15%); Innovation (10%); at Awards and Recognition (15%).
Itinanghal na Most Gender Responsive Barangay ang Brgy. Dela Paz na tumanggap ng Most Gender Responsive Seal at cash prize na PHP 100,000.00. Nasungkit naman ng Brgy. San Jose ang 2nd place at Brgy. San Antonio ang 3rd place at nakatanggap ng Certificate of Appreciation at cash prize na PHP 75,000.00 at PHP 50,000.00. Nakatanggap din Certificate of Appreciation at consolation prize na nagkakahalaga ng PHP 20,000.00 each ang lima pang barangay na lumahok sa nasabing search: Bagong Katipunan, Ugong, Palatiw, Maybunga, at Kapitolyo.
Natukoy ang mga nagwagi sa tulong ng evaluators na sina: Ms. Maria Jasmin Diaz (LGOO V, Department of the Interior and Local Government-National Capital Region; [DILG-NCR]); Ms. Jo Enrica Enriquez (Executive Director, Coalition Against Trafficiking on Women in Asia-Pacific); Mr. Kim Harold Peji (Supervising GAD Specialist, Philippine Commission on Women); Ms. Marianne Anceno (Cluster Head/ LGOO VII, DILG-NCR); at Dir. Visitacion Martinez (City Director, DILG-Pasig City Field Office).
Sa mga susunod na taon ay mas paiigtingin pa ang criteria sa pagtukoy ng Most Gender-Responsive Barangay. Kung kaya’t hinihikayat ang lahat na mas tutukan at bigyang importansya ang paggawa ng mga gender-responsive programs at activities kada barangay, di lamang para sa parangal kung hindi para sa kapakanan ng mga nasasakupan.
Bago matapos ang event, nagkaroon din ng distribution ng laptop sa Barangay GAD Focal Point System Representatives. Layunin nito na magkaroon ng sapat na kagamitan ang mga barangay upang makatulong sa pagkalap ng mga datos na siyang magiging batayan sa pagbuo nila ng gender-responsive programs, projects, at activities sa mga susunod na taon.
Ang GAD Summit 2023 ay naging posible sa pangunguna ng Gender and Development Office.