TINGNAN: FREEDOM OF INFORMATION WORKSHOP 2023: STRENGTHENING THE BASICS OF FOI

September 6, 2023









Sumailalim sa isang Freedom of Information (FOI) Workshop ang nasa 106 Deputy Information Officers (DIOs) ng bawat departamento/opisina ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na ginanap noong Lunes, September 4, 2023. 

Pinamagatang “Strengthening the Basics of FOI”, layunin ng workshop na maipaliwanag sa participants ang kahalagahan ng kanilang tungkulin bilang DIOs at mas mapaigting ang tiwala ng mga Pasigueño sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat at tamang impormasyon sa publiko. Natugunan ang layunin na ito sa tulong ng naging presentation ni Mr. John Wilmer Jimenez ng FOI Philippines. 

Sa pagbabahagi naman ni Mr. Martin Jann Ceneta, mula rin sa FOI Philippines, naging daan din ang workshop upang maging pamilyar ang DIOs sa paggamit ng Freedom of Information portal. Sa tulong ng e-FOI portal ay mas magiging mabilis ang proseso ng pagtanggap at pagsagot sa Freedom of Information requests ng publiko. 

Parte rin ng naging workshop ang pagbabahagi ng kaalaman ni Assistant City Administrator Atty. Diego Luis Santiago sa Ease of Doing Business at Efficient Government Service Delivery Act of 2018 kung saan niya ipinaliwanag ang kahalagahan ng pagsasaayos ng mga proseso ng pamahalaan, lalung-lalo na usapin ng business registration at licensing. Sa ilalim din ng nasabing batas ang narebisang bilang ng araw na dapat abutin ang pagproseso ng transaksyon ng mga tanggapan ng pamahalaan ayon sa kategorisasyon (hal. simple or complex transactions) na siya ring sinusunod sa pagpapatupad ng FOI sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig. 

Bago matapos ang workshop, kinilala at binigyang parangal ang Most Responsive Offices for Inquiries and Complaints sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Pinarangalang  Most Responsive Office for FOI Requests ang City Planning and Development Office na sinundan naman ng Environmental and Sanitation Section (1st Place), Dengue Task Force (2nd Place), at Pasig City Action Line Division (3rd Place). Sila ang mga departamento/opisina/division/section na pinakamabibilis ang proseso sa pagbibigay ng solusyon sa requests o hinaing ng publiko. 

Ang Freedom of Information Workshop 2023 ay naging posible sa pangunguna ng Ugnayan sa Pasig (UsaP) na siyang nangangasiwa sa implementasyon ng Freedom of Information sa ating lungsod.