TINGNAN: DENR Declaration of Heritage Tree
July 3, 2024
Isang balete tree na tinatayang nasa pitong dekada na sa Maybunga Rainforest Park ang idineklara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang Pamanang Puno o "heritage tree" noong Lunes, July 1, 2024.
Isang maiksing programa ang ginanap sa Maybunga Rainforest Park para sa nasabing deklarasyon at kasunod nito, ang pag-unveil din ng heritage tree marker.
Pinangunahan ni DENR NCR Regional Director Michael Drake P. Matias ang nasabing deklarasyon. Sa kanyang mensahe, ibinahagi niya na ng puno ng balete sa Maybunga Rainforest Park ang ika-42 puno na naideklara ng kanilang tanggapan bilang heritage tree sa National Capital Region. Samantala, ito naman ang ika-apat sa Lungsod ng Pasig.
Ang dalawang naunang naideklarang heritage sa Pasig ay matatagpuan sa Rizal High School, na parehong puno ng acacia. Matatandaang noong 2023, bilang parte rin ng pagdiriwang ng ika-450 Araw ng Pasig ay nasama na rin sa listahan ng heritage trees sa Pasig ang puno ng acacia sa Pasig Catholic Cemetery — ang mga nabanggit na puno ay tinatayang nasa higit na 100 taon na.
Ayon din kay RD Matias, ang deklarasyon at pagtatalaga ng heritage marker ay pagpapabatid ng kahalagahan ng puno, di lamang sa kapaligiran, kundi maging sa kasaysayan ng isang lugar. Sa pamamagitan ng deklarasyon, nais ng DENR na magbigay daan ito sa aktibong pakikilahok ng bawat isa sa pangangalaga ng puno at halaman sa kapaligiran.
Ganito rin ang naging tema ng mensahe ni Councilor Kiko Rustia, Chairperson ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig Committee on Environmental Protection and Human Ecology — na ang ginagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ay pangangalaga ng kasaysayan at kapaligiran, para sa kinabukasan, lalo na ng mga susunod pang henerasyon ng Pasigueño.
Bilang parte ng programa, nagbahagi ang dalawa sa matatagal nang nagtatrabaho sa Maybunga Rainforest Park na sina Kuya Nonoy at Kuya Eddie para patotohanan ang deklarasyon at makapagbahagi rin ng naging karanasan nila sa nasabing puno ng balete. Naibahagi nila na ang katatagan ng puno — na sa kabila ng maraming bagyo nang nagdaan, ni walang pinsala itong natamo, kahit na mabalian ng sanga.
Samantala, ibinahagi naman ni Congressman Roman Romulo sa kanyang mensahe ang kagandahan ng programang ginawa sa deklarasyon ng heritage tree. Ipinaalala niya na maaaring hindi madali ang proseso para makapagpa-deklara ng heritage tree, lalo na at kailangan nito ng dokumentasyon — ngunit mahalagang itaguyod pa rin ito para sa kabataang Pasigueño. Sa kanyang pagtatapos, nag-iwan siya ng mensahe na huwag pakawalan ang mga makasaysayang pangyayari sa lungsod, at dapat ay maidokumento ang mga ito at patuloy na ipagmalaki.
Ayon naman kay Vice Mayor Dodot Jaworski, nawa ay gawing inspirasyon ng mga Pasigueño ang puno ng balete na ito: na sa kabila ng mga pinagdaanang bagyo at baha, nananatiling matatag. Na katulad ng punong ito ay magtanim ng malalim na ugat ng kabutihan at pagmamalasakit sa kapwa Lungsod ng Pasig.
Sa mensahe naman ni Mayor Vico Sotto, ipinahayag nya ang patuloy na pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa DENR para sa patuloy na pagprotekta sa yaman ng kalisakan. Aniya, lahat ng Pasigueño ay dapat protektahan at ipaglaban ang kalikasan para mai-preserba pa ito para sa mga susunod pang henerasyon, at ang heritage tree sa Maybunga Rainforest Park ay magsisilbing paalala sa bawat Pasigueño sa tungkulin nitong pangalagaan ang kalikasan.
Bilang pagtatapos, ibinahagi naman ng head ng Maybunga Rainforest Park na si Sir Patrick Plandiano ang mga plano para sa nasabing parke, kung saan ito hindi lamang ito magiging isang recreational area, kundi sana ay maging sentro ito, di lamang ng kalikasan, kundi maging ng kaalaman o educational hub.
Pagkatapos magbigay ng mga mensahe ay nagkaroon na ng unveiling ng heritage tree marker na pinanungahan ng mga opisyal mula sa Lungsod ng Pasig at DENR-NCR.
Ang programa para sa deklarasyon ng DENR bilang isang heritage tree ang balete tree sa Maybunga Rainforest Park ay parte pa rin ng selebasyon ng Araw ng Pasig ngayong 2024.
Naging posible ito sa pagtutulungan ng Maybunga Rainforest Park at City Environment and Natural Resources Office at koordinasyon sa DENR-NCR.