TINGNAN: CULMINATING ACTIVITY NG NATIONAL CHILDREN’S MONTH CELEBRATION | 2022 CHILDREN’S SUMMIT

November 30, 2022


Bilang pagtatapos sa selebrasyon ng National Children's Month, ginanap ang Children's Summit sa RAVE Amphitheatre noong Lunes, November 28, 2022, kung saan 337 na kabataan mula sa iba't ibang sektor ang dumalo. 

Ang tema ng selebrasyon ng National Children's Month para sa taong ito  ay "Kalusugan, Kaisipan, at Kapakanan ng Bawat Bata Ating Tutukan". Parte ng Children's Summit ang naging talakayan tungkol sa mga proyekto ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig na tumututok sa kapakanan at ikabubuti ng mga batang Pasigueño. Ang mga proyektong nabanggit ang dahilan kung bakit kinilala ang Lungsod ng Pasig at nabigyan ng parangal sa ginanap na 2019 Child-Friendly Local Governance Audit. Matatandaang ginawaran ng Child Friendly Local Governance ang Lungsod ng Pasig sa katatapos na Urban Governance | Exemplar Awards ng Department of the Interior and Local Government noong Oktubre.

Highlight ng nasabing programa ang State of the Children's Address ni Mayor Vico Sotto, kung saan kanyang inilatag ang mga nakatakdang proyekto at programa ng lokal na pamahalaan upang mapanatiling "Child Friendly City" ang ating lungsod. 

Sa pamamagitan naman ng World Cafe activity, nagkaroon ng pagkakataon ang mga batang dumalo na magbigay ng kanilang reaksyon sa mga proyekto na nakakasa para sa taong 2023. Mayroon ding mga Freedom Box sa venue kung saan malayang nakapagbigay ng mensahe ang mga kabataan para sa lokal na pamahalaan.

Bilang pagtatapos sa programa, pinarangalan ang mga batang nagwagi sa iba't ibang kompetisyong ginanap kaugnay ng selebrasyon ng National Children’s Month at binuksan ang ilang amenities sa RAVE upang bigyan ng pagkakataon ang mga bata na makapagsaya.