TINGNAN: Civil Society Organization Workshop on Local Governance Engagement and Participation
March 11, 2023
Nasa 72 lider ng mga civil society organizations (CSOs) na kasalukuyang miyembro ng local special bodies ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang lumahok sa CSO Workshop on Local Governance Engagement and Participation na ginanap kahapon, March 10, 2023.
Layunin ng nasabing workshop na makabuo ng project ideas ang mga kinatawan ng CSOs na siya namang iko-consolidate at ibibigay sa mga natukoy na opisina/departamento ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na mag-iimplementa ng mga nasabing proyekto. Ang mga ito ay magsisilbing inputs na maaaring ikonsidera ng mga opisina/departamento sa pagbuo ng kanilang Annual Investment Program para sa taong 2024.
Ang mga binalangkas, pinalawig, at pinalalim na project ideas ay nagmula sa mga natukoy na priority sectoral projects at programs mula sa naunang CSO workshop noong Oktubre 2022. Matatandaang isang CSO Workshop on Local Governance Engagement and Participation din ang isinagawa noong huling quarter ng 2022 kasabay ng oath taking ng CSO representatives na naihalal na maging mga miyembro ng local special bodies sa Lungsod.
Ang pagsasagawa ng workshop na ito ay kaugnay ng inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa patuloy na pagpapalawig at pagpapalakas ng participatory governance sa Lungsod Pasig. Bukod sa patuloy na pagbubukas ng mga mekanismo upang maging kabahagi ang CSOs sa paggogobyerno, may mga kaakibat din itong capacity development activities para masigurong magiging makabuluhan, malalim, at produktibo ang kanilang pakikilahok sa local special bodies sa Pasig.
Naging posible ang workshop na ito sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pangunguna ng Office of the City Mayor - CSO Desk at City Planning and Development Office, sa Institute of Politics and Governance at Department of the Interior and Local Government - Pasig Field Office.