TINGNAN: Benchmarking Visit ng Lokal na Pamahalaan ng Botolan, Zambales sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig

November 16, 2024

Sa hangaring mapahusay ang mga serbisyong pampamahalaan, bumisita ang Lokal na Pamahalaan (LGU) ng Botolan, Zambales sa Pasig City kahapon, November 15, 2024 upang pag-aralan ang mga ipinapatupad na best practices nito.
Pinangunahan ni Municipal Planning and Development Coordinator Melanie Baysa ang delegasyon mula sa Botolan LGU. Kasama niya sina Sangguniang Bayan Secretary Gladys De Vera, Municipal Accountant Don Mark Dolojan, at 11 na iba pang staff mula sa iba't ibang tanggapan ng Botolan LGU.
Tinalakay sa benchmarking visit ang mga inisyatiba ng Pasig City sa aspeto ng Human Resources, Freedom of Information, at Electronic Mapping Solutions. Ang mga kinatawan mula sa Human Resource Development Office, Ugnayan sa Pasig, at City Planning and Development Office ang nagbigay ng detalyado at makabuluhang presentasyon tungkol sa mga ito.
Nagkaroon ng masinsinang diskusyon kung saan ang delegasyon ng Botolan ay nabigyan ng pagkakataong magtanong at magbahagi ng kanilang karanasan bilang lokal na pamahalaan.
Sa huli, isinama rin sila sa isang guided tour sa Temporary Pasig City Hall upang makita nang personal ang mga aktwal na operasyon at proseso ng lungsod.
Ang ganitong uri ng benchmarking visit ay mahalaga sa pagpapalitan ng kaalaman at innovations sa pagitan ng mga LGU. Layunin nitong matulungan ang iba pang lokal na pamahalaan na makabuo ng mga programang tumutugon sa pangangailangan ng kanilang mga mamamayan batay sa natutunang karanasan mula sa ibang lugar.