TINGNAN: ARAW NG PASASALAMAT NG TAMBACAN DOS
November 6, 2023
Isang Araw ng Pasasalamat ang ginanap sa Tambacan Dos sa Brgy. San Miguel noong Sabado, November 4, 2023 bilang pagdiriwang ng pagkakaroon ng pag-asa matapos ang halos apat na dekadang pakikipaglaban ng mga residente rito para sa lupang kanilang tinitirhan.
Matapos ang mahabang proseso, opisyal nang nagkasundo ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig at ang may-ari ng Tambacan Dos na pinagtibay ng pagpirma ng isang Deed of Sale noong Setyembre 19, 2023. Ito ang ipinagdiwang buong araw ng Sabado, kung saan ang umaga ay inilaan para sa Palarong Pinoy ng mga kabataan sa Tambacan Dos, at ang pagdiriwang naman noong hapon ay sinimulan sa isang Misa ng Pasasalamat.
Sinundan ito ng isang maiksing programa kung saan nagbigay ng kanilang mensahe sa mga residente ng Tambacan Dos sina Mayor Vico Sotto at Congressman Roman Romulo na dinaluhan din nina Kapitan Manny Alba at Andy Rivera na kapitan ng San Miguel noong 1990s. Nagbigay din ng maiksing background si Ka Ric Reyes, ang kasalukuyang namumuno sa Pasig Urban Settlement Office (PUSO) patungkol sa pinagdaanang proseso ng pagkakabili ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ng lupa sa Tambacan Dos. Matapos nito ay nagkaroon din ng tugtugan tampok ang mga lokal na banda, awitan, sayawan at katatawanan.
Naging posible ang pagdiriwang na ito na pinagtulungan ng PUSO at Homeowners Association (HOA) ng Tambacan Dos. Kasunod ng pagkakabili ng lupa sa Tambacan Dos ay ang patuloy na pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pangunguna pa rin ng PUSO, sa HOA ng Tambacan Dos para sa pag-develop ng lupa na ito.
---
Nasa halos 40 taon ang pinagdaanan ng Tambacan Dos bago nito nakamit ang pinaglalabang lupa -- simula sa pagkakaroon ng Expropriation Ordinance na pinagtibay ng Sanggunian Bayan ng Pasig noong 1993, hindi pagpapatupad nito, at sa halip ay nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng mayorya ng pamunuan ng tumatayong organisasyon ng mga residente na ipinalit ang isang lote sa Nagpayong, Pinagbuhatan kung saang tinatayang 160 pamilya ang napagkalooban ng tig-20 square meters na ipinroseso sa ilalim ng National Home Mortgage Corporation na kailangang hulugan sa loob ng 25 taon.
Sa kabila nang hindi pagsang ayon ng lahat ng residente sa kasunduang ito ay napilitan silang lumipat dahil sa mga banta at aktwal na banta ng demolisyon. Dahil sa malayong lokasyon ng kabuhayan nila mula sa lote sa Nagpayong na pinaglipatan sa kanila, dagdag pa na hindi sila binigyan ng kopya ng kontrata ng bayaran sa loob ng 25 taon hangga't di umaabot ng 10 taon ang kanilang lugar na hulog, may mga residente na bumalik din sa Tambacan Dos at sila ay dumami pa na umabot sa 330 pamilya.
Sinimulan noong 2019 ang pakikipag-usap sa nagmamay-ari ng lupa para mabili ito ay maipaloob sa socialized housing program ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Napagtibay naman ito ng ordinansa ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig noong 2021 nang bigyan nila si Mayor Sotto ng awtoridad para makipag-negotiate sa may-ari ng lupa.
#UmaagosAngPagasa