TINGNAN: 4TH QUARTER NATIONWIDE SIMULTANEOUS EARTHQUAKE DRILL (NSED) SA PAMAHALAANG LUNGSOD NG PASIG
November 9, 2023
Isang maaksyong umaga ang nasaksihan ngayong araw, November 9, 2023 sa Pamantasang Lungsod ng Pasig (PLP) kaugnay ng pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pagsasagawa ng 4th NSED.
Pagpatak ng 09:00AM at sa hudyat ng pagtunog ng sirena na nagmula sa Office of Civil Defense, nag-duck, cover, and hold ang mga estudyante ng PLP at pagtigil ng sirena, sila ay pumunta sa kanilang designated evacuation site na matatagpuan sa Plaza Bonifacio.
Kaiba ang nangyaring NSED ngayong araw dahil bukod sa pag-duck, cover, and hold at evacuation drill ay nagkaroon din ng simulation ng ilang scenario upang masubok din ang kahandaan ng paraan ng pag-responde mula sa Response Cluster ng Incident Management Team ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, kabilang ang pamunuan ng PLP.
Bukod sa initial assessment, nagkaroon din ng partisipasyon ang Barangay Emergency Responders na naging katulong ng Pasig City Disaster Risk and Reduction Management Office (DRRMO) at iba pang responders sa scene. Ilan sa SIMULATIONS na nasaksihan ay ang mga sumusunod:
-pagresponde at manage ng hazardous materials (hazmat) na nagmula sa nagli-leak na hindi matukoy na substance mula sa isang delivery vehicle sa PLP;
-proseso ng pagsiguro na kumpleto ang mga estudyante na lumikas/nagpunta sa evacuation area
-pagresponde sa sunog sa isang building sa PLP
-pagsasagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA)
-pagsasagawa ng search and rescue operations at MDM (Management of the Dead and Missing) sa PLP na nagsangay din sa pagsasagawa ng triaging, paglipat ng mga natagpuang estudyante mula sa collection point sa triage tent at pagbibigay ng medikal na lunas; vehicle rescue, collapsed structure rescue, at high-angle rescue.
Ang simulations na ito ay naging posible sa pangunguna ng Pasig City DDRRMO at pakikipagtulungan nito sa iba't-ibang tanggapan tulad ng City Engineering Department (CED), Office of the Building Official (OBO), Office on Social Welfare Development, City Health Department, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, responders mula sa Barangay Kapasigan at Barangay San Jose, at iba pang miyembro ng Incident Management Team tulad ng Peace and Order Department at Traffic and Parking Management Office.
Samantala, nag-duck, cover, and hold din ang mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig maging mga bisita nito sa City Hall at nag-evacuate rin sa designated evacuation sites tulad ng Pasig City Hall Quadrangle at Tanghalang Pasigueño.
Bukod pa rito ay nagsagawa rin Power Simulation at Facility Testing sa City Hall, kung saan mga bandang 09:15AM, noong matapos na ang proseso ng pag-evacuate sa kanya kanyang evacuation areas ay pinatay ang supply ng kuryente at tinest ang generator sets (gensets) sa City Hall. Ito ay para masubukan ang kakayahan ng gensets ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig kung sa kaling magkaroon ng power interruption habang may sakuna o kailanganin ang emergency power supply. Kabilang sa Inspection Team na naglibot din sa iba't-ibang opisina ang OBO, CED, at Office of the General Services para i-check ang electrical fixtures at mechanical equipment sa mga tanggapan sa City Hall. Base sa naging resulta ng Simulation na ito ay magdi-disenyo ang mga ito ng plano para masolusyunan ang mga naging findings sa simulation at masiguro na maipagpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko kung sa oras na mawalan ng kuryente sa City Hall building.
Sa kabuuan, layunin ng pagsasagawa ng NSED ang maihanda at malaman ng bawat indibidwal ang mga dapat gawin kung sakaling makakaranas ng paglindol sa Lungsod ng Pasig na maaaring pagmulan pa ng iba pang sakuna (sunod, pagguho ng mga istraktura, at iba pa).