TINGNAN: 2025 ANNUAL INVESTMENT PLAN (AIP) RE-ORIENTATION
February 9, 2024

Dinaluhan ng higit sa 100 kinatawan ng iba't-ibang tanggapan sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, at nasa 15 miyembro ng City Development Council mula sa hanay ng civil society organizations (CSOs) ang 2025 AIP Re-orientation na ginawa kahapon, February 8, 2024 sa Maybunga Rainforest Park.
Ang aktibidad na ito ang hudyat na opisyal nang nagsimula ang AIP preparation season sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Ang AIP o Annual Investment Plan ay ang dokumento na naglalaman ng mga panukalang programa, proyekto, at aktibidad (PPA) ng mga tanggapan sa City Hall para sa susunod na taon (2025).
Layon ng AIP re-orientation na magsilbing "refresher" para sa mga departamento sa City Hall at ihanda ang mga ito sa paggawa ng AIP ng kanilang mga opisina. Walang programa, proyekto, o aktibidad ang mapopondohan kung hindi ito nakatala sa AIP.
Bago nagsimula ang pagtalakay sa AIP, nagkaroon muna ng presentasyon tungkol sa mga naging kasunduan na nabuo mula sa naunang workshop na ginanap noong Miyerkules, February 7, 2024 kung saan nauna nang nagkaroon ng mga presentasyon ang mga opisina na nangangasiwa ng Statutory and Mandatory Obligations (hal. Gender and Development Fund, Disaster Risk Reduction and Management Fund) at mainstreaming offices (hal. Human Resource Development Office para sa capacity development; Office of General Services para sa common use supplies; Management Information Systems Office para sa information and communications technology component).
Pinangasiwaan ng City Planning and Development Office ang nasabing aktibidad, kung saan nagkaroon ng presentasyon kabilang ang principles na ipinapatupad sa preparasyon ng AIP, form na ginagamit sa paggawa nito, at iba pang paalala sa AIP preparation na inilahad ni City Planning and Development Coordinator EnP. Priscella Mejillano.
Bukod sa AIP, nagkaroon din ng presentasyon tungkol naman sa paggawa ng Procurement Project Management Plan o PPMP na pinangunahan naman ng Officer-in-Charge (OIC) ng CIty Budget Office na si Ms. Ma. Theresa Hernandez. Ang PPMP naman ang naglalaman ng goods at services na kailangan ma-procure ng mga tanggapan sa City Hall para sa implementasyon ng kanilang PPAs.
Kaugnay din ng PPMP ay nagkaroon din ng diskusyon tungkol sa proseso ng procurement sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig na pinangunahan ni Procurement Management Office OIC Atty. Bea Villlanueva. Bago matapos ang half-day re-orientation, nagkaroon din ng session tungkol sa pagsasagawa ng iba't ibang capacity building interventions, partikular sa pagbuo ng Activity Designs para sa mga ito at related issuances tungkol sa wasto at masinop na paggamit ng public funds na inilatag naman ni Atty. Bernice Mendoza ng Office of the City Mayor.
Kada matapos ang isang presentation/paksa ay binibigyang pagkakataon ang participants (mga hepe, technical staff ng mga opisina sa City Hall, at mga kinatawan ng civil society organizations) na makapagtanong o makapag-bigay ng inputs tungkol sa mga naging paksa ng presentation.
Dinaluhan din ang nasabing activity ni Mayor Vico Sotto at ang kanyang mensahe para sa attendees ng re-orientation ay umikot sa tema na "Malayo pa, pero malayo na."Tatlong punto ang kanyang inilahad niya sa mga ito: (1) Sa kasalukuyan, ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig ay nasa kalagitnaan ng pagpapatupad ng mga reporma na nauna nang nailatag sumila ng 2019. Ipinabatid nya sa bawat isa na ang challenge ngayon ay ang pag-sustain at patuloy pangpagbutihan ang mga nasimulan na. At para patuloy na magawa ang mga ito, huwag kalimutang kilalanin o i-celebrate ang wins na ito dahil ang mga ito ang magsisilbing motibasyon sa bawat isa na magpatuloy sa paggampan sa tungkulin; (2) Laging isipin ang dahilan kung bakit ba ginagawa ang mga reporma na ito at ano ba ang end goal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig; at (3) huwag kalimutang lumingon sa pinanggalingan dahil bukod sa dapat ay matuto sa pagkakamali o pagkukulang ng nakaraan, makikita rin ng bawat isa ang mga nagawa na o mga napagtagumpayan nang magawa, kumbaga, kahit na malayo pa, malayo na ang narating ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Sa unang pagkakakataon ay naisama na rin ang CSOs sa orientation ukol sa AIP preparation. Parte ito ng patuloy na pagpapalawig pa ng capacity buiding para sa CSOs para patuloy pang mas mapalalim at maging mas makabuluhan pa ang kanilang partisipasyon sa paggogobyerno sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig.