TINGNAN: 2024 First Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill sa Pasig
March 25, 2024
Nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa naganap na First Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na ginanap kaninang alas-nuwebe ng umaga, March 25, 2024, sa pangunguna ng Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO).
Suot ang kanilang mga hard hat at bitbit ang kani-kaniyang Pasig City Government Employee Emergency Go Bag, sabay-sabay na nag-“Duck, Cover, and Hold” sa hudyat ng pagtunog ng sirena at pumunta sa mga designated evacuation site ang mga empleyado ng Pasig City Hall bilang pagtugon sa 1st Quarter NSED. Nakiisa rin ang mga bisita ng Pasig City Hall sa nasabing drill.
Parte rin ng drill ang pag-check ng mga posibleng pinsala or sira ng gusali na pinangunahan ng DRRMO, City Engineering Office, at Office of the Building Official. Matapos ang inspeksyon, pinabalik na rin sa loob ng gusali ang mga empleyado maging ang mga bisita upang ipagpatuloy ang operasyon ng Pasig City Hall.
Ipinapaalala ng lokal na pamahalaan na ugaliing makiisa sa NSED at huwag kalimutang dalhin ang Emergency Go Bag sa tuwing magkakaroon ng ganitong uri ng drill. Ang mga inisyatibong gaya nito ay nakabubuti upang maging handa ang bawat indibidwal sa mga dapat gawin kung sakaling makaranas ng paglindol o anumang sakuna sa Lungsod ng Pasig.