Third Quarter National Simultaneous Earthquake Drill sa Lungsod ng Pasig

September 27, 2024

TINGNAN: Third Quarter National Simultaneous Earthquake Drill sa Lungsod ng Pasig 

Nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa isinagawang Third Quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) kahapon,  Huwebes, September 26, 2024.

Sa pangunguna ng Disaster Risk Reduction and Management Office, nagsimula ang drill sa pagpapatunog ng sirena na narinig sa buong Pasig City Hall, ganap na ika-9 ng umaga, bilang hudyat ng mga empleyado at mga bisita na mag-“duck, cover, and hold.” Matapos ang tunog ay nagsuot ng hard hat at binitbit na rin ng mga empleyado ang kanilang Emergency Go Bag bilang bahagi ng safety protocol. 

Matapos ang isang minutong pag-”duck, cover, and hold,” sinundan ito ng evacuation exercise o paglikas sa malapit na open areas sa City Hall Compound, gaya ng labas ng Tanghalang Pasigueño at GAD Compound. Ang bawat opisina ay may  designated area kung saan kailangang manatili ang mga ito habang naghihintay ng abiso kung ligtas na at makakapasok nang muli sa City Hall. 

Parte rin ng pagsasanay ang pagsusuri ng City Engineering Office at Office of the Building Official sa mga posibleng pinsala sa loob at labas ng gusali.

Nakilahok din sa NSED ang mga empleyado at bisita ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na nauna nang lumipat sa Temporary City Hall sa Barangay Rosario. Nagsilbing evacuation areas naman dito ang parking area ng mismong building at iba pang kalapit na open spaces nito. 

Bukod sa mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod, nasaksihan din ang pagtalima ng Pasig Elementary School sa NSED.

Ang NSED ay ginaganap apat na beses sa isang taon. Parte ito ng pagpapalawig ng preparedness sa kamalayan ng mga mamamayan, bata o matanda, at maging handa sa panahon ng mga hindi inaasahang sakuna tulad ng lindol. 

May mga kuha mula sa NSED kahapon? I-share na ito sa comment section!