SULONG, PASIGUEÑO | Mangarap, Manindigan, Magtagumpay
July 12, 2024
Mainit na pagbati sa 730 na nagsipagtapos mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP) sa ika-20 Araw ng Pagtatapos nito simula noong Hulyo 9-11, 2024!
Para sa pagtatapos ng taong panuntunan na ito, hinati sa limang (5) batches ang graduation ng mga estudyante na nagmula sa College of Education, College of Engineering, College of Computer Studies, College of Business and Accountancy, College of International Hospitality Management, at College of Nursing noong nakaraang tatlong araw.
Nagsilbing Commencement Speaker kada batch ang mga alumni mula sa Inang Pamantasan. Samantala, nagpaabot din ng pagbati sina Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, at Vice Mayor Dodot Jaworksi, di lamang para sa mga nagsipagtapos, kundi maging sa mga magulang, guardians, at kaanak ng mga ito.
Nagpasalamat din ang mga opisyal ng lungsod sa mga tumulong para patuloy na makapgtaguyod ng dekalidad na edukasyon sa Pamantasan, kabilang na ang pamunuan ng PLP, faculty at non-teaching staff maging ang mga nagsisilbing Board of Regents nito.
Nagpasalamat din si Mayor Vico Sotto sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig, lalo na kay 11th City Council Committee on Education Chairperson, na umuupo rin bilang PLP Board of Regent na si Councilor Corie Raymundo.
Ibinahagi rin ng alkalde na ang pagpapatuloy ng pagbigay ng Connectivity Allowance para sa mga estudyante ng PLP, sa kabila ng pagbabalik sa in-person classes, ay dapat ipagpasalamat ng mga ito sa Board of Regents ng Pamantasan, dahil sila ang nagsulong na maipagpatuloy pa ito sa kabila ng pagtatapos ng pandemya, dahil kaya naman itong mai-cover ng budget ng Pamantasan.
Sa huli, pinaalalahanan ng mga opisyal ang mga nagsipagtapos na anuman ang career o trabahong papasukan, huwag kakalimutan ang pinanggalingan: ang komunidad at ang Inang Pamantasan.
Ipinahayag ng mga opsiyal ang paniniwala ng mga ito na magiging matagumpay ang mga nagsipagtapos mula sa PLP, kaya naman katulad ng mga alumni nito na nagsilbing mga panauhing pandangal sa graduation rites ngayong taon, hinikayat ng mga ito na huwag kalilimutang mag-give back sa komunidad at Pamantasan na nagsilbing ikalawang tahanan ng mga nagsipagtapos sa loob ng apat na taon o higit pa.
Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, congratulations sa Class of 2024 ng Inang Pamantasan! Tunay kayong ipinagmamalaki ng Lungsod ng Pasig!
Sulong, mga Kabataang Pasigueño! Nawa ay patuloy kayong Mangarap, Manindigan, at Magtagumpay!