Send Off Ceremony ng Pasig City Delegates para sa NCR Palaro

March 11, 2025

Isang send-off ceremony para sa delegasyon ng Lungsod ng Pasig para sa darating na 2025 National Capital Region - Regional Athletic Meet (2025 NCR Palaro) ang ginanap noong Linggo, March 9, 2025, sa Rizal High School Gymnasium.
Nasa higit 550 athletes at 150 coaches at trainers ang bumubuo ng delegasyon ng Lungsod ng Pasig para sa 2025 NCR Palaro sa darating na March 17-21, 2025, kasama ang mga technical official at iba pang kinatawan ng Schools Division Office (SDO) of Pasig at Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Sa 28 sporting events ng 2025 NCR Palaro, 27 sa mga ito ang lalahukan ng Lungsod ng Pasig.
Nagpaabot ng kanilang pa-good luck sa delegasyon ang mga opisyal sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, Jr., Councilor Corie Raymundo, Councilor Eric Gonzales, Councilor Syvel Asilo-Gupilan, at kinatawan ni Schools Division Superintendent Sheryll Gayola.
Bukod sa mga mensahe ng mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at SDO-Pasig, nagbigay din ng mensahe si Ms. Francine Jane Pamiragas, mula sa hanay ng mga atleta at si Ms. Mary Jane Rabatan, mula naman sa hanay ng coaches na nagpaabot ng pasasalamat sa kanilang natamo mula sa Lungsod ng Pasig.
Ang delegasyon para sa 2025 NCR Palaro ay nakatanggap ng allowance, playing uniform, at parade uniform bilang parte ng suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Matatandaang noong 2024, tinanghal na overall champion sa elementary level ay 1st runner up naman sa secondary level ang Lungsod ng Pasig sa Palarong Panrehiyon. Samantala, nakamit naman ng Lungsod ang 3rd best performing SDO, mula sa higit 200 SDOs sa bansa, sa Palarong Pambansa na ginanap sa Cebu.
Good luck sa delegasyon ng Lungsod sa Pasig! Ngayon pa lang, ipinagmamalaki na namin kayo!