PASIG PRIDE 2023: UMAAGOS ANG PANTAY-PANTAY NA PAG-ASA

June 26, 2023
























Nagtapos sa isang makulay na pagdiriwang ang naging selebrasyon ng Pride Month sa Lungsod ng Pasig kahapon, June 25, 2023. Nagtipon sa Pasig City Hall Quadrangle ang mga miyembro ng LGBTQ+ community mula sa iba’t ibang barangay at organisasyon sa Pasig, at allies at sama-samang rumampa para sa Pride March na nagtapos sa Arcovia City. 

Tampok ang iba’t ibang pista sa Pilipinas, nagmartsa ang mga kinatawan mula sa 30 barangay ng Pasig suot ang  kanilang makukulay at pasabog na costumes. Ang nasabing parada ay naging daan din ng mga lumahok upang ipakita ang pagmamahal sa bawat isa, ipaglaban ang karapatan, at ipagdiwang ang iba't ibang kulay, talento, at galing ng bawat miyembro ng LGBTQ+ community. 

Matapos ang Pride March, isang programa ang ginanap sa Arcovia City bilang bahagi ng pagdiriwang. Highlight nito ang presentasyon ng Executive Order para mapangalanan ang ilan sa mga paunang miyembro ng Pasig City Pride Council at mailahad sa publiko ang mahahalagang nilalaman ng City Anti-Discrimination Ordinance (CADO) na naipasa noong 2022. Nagkaroon din ng ceremonial turnover ng mockup ng CADO kung saan opisyal nang nailipat ang mga tungkulin ng interim members sa Pasig City Pride Council. 

Naganap din ang Pasig Pride Awards kung saan kinilala ang mga natatanging indibidwal na may angking galing sa kanilang mga propesyon at malaki ang naging kontribusyon sa LGBTQ+ community at maging sa kanilang komunidad. Kinilala sina: 

• Alex Melendres, Founder of the 1st LGBTQ+ community organization in Pasig City; 

• Perci Intalan, Director/Producer of award-winning films (i.e., Bwakaw, Barber’s Tale, Shadow Behind the Moon); 

• Atty. Ma. Dinna Paulino, Prosecutor at the Department of Justice; 

• Dr. Glicerio Maningas, President of the Pamantasan ng Lungsod ng Pasig; at 

• Nardie Presa, Fashion Designer

Nakatanggap din ng special citation award sina Rica at Don Brooke at kinilala naman bilang Pasig Pride Ally of the Year ang Arcovia City. 

Parte rin ng programa ang manisfesto ng ilang miyembro ng LGBTQ+ community kung saan ay isa-isa nilang ipinahayag ang kanilang damdamin at hiling patungkol sa pantay-pantay na karapatan: na dapat ay tinatamasa ng bawat isa anuman ang kanyang kulay, kasarian, o estado sa buhay. 

Hindi lamang ‘yan! Mula sa 30 barangays na lumahok sa parada, itinanghal na Best Barangay ang mga sumusunod: Barangay Palatiw (Champion), Barangay Manggahan (1st Runner Up), at Barangay Rosario (2nd Runner Up).

Bukod sa awarding ceremony, kinagiliwan din ng mga kalahok ang mga pasabog performance ng mga kilalang personalidad tulad nina Nica del Rosario, House of Xilhoutte and Lola Divas, Pow Chavez, at Lady Morgana. 

Mapapanuod ang mga kaganapan sa Pasig Pride 2023 simula sa pagdating ng parada sa Arcovia hanggang sa matapos ang programa sa link na ito: https://bit.ly/PasigPride2023

#PasigPride2023