Participatory planning, sinisimulan na ring ibaba sa mga barangay ng Pasig!
May 1, 2024
Kaugnay ng patuloy na pagpapalawig pa ng partisipasyon ng mga Pasigueño sa paggogobyerno, lalo na sa pagpaplano para sa patuloy na pag-unlad ng Lungsod ng Pasig, ikinasa na ang proyektong Barangay Development Planning through Participatory Resource Appraisal o BDP-PRA.
Sa ilalim ng proyektong ito ay ibababa ang konsepto ng community-based planning sa mga barangay — kung saan sinisiguro na may aktibong partisipasyon ang mga residente/komunidad sa proseso ng development planning sa kanilang mga barangay. Ang BDP-PRA ay isang "bottom-up approach" kung saan binibigyang diin ang kaalaman sa tunay na kalagayan sa mga barangay, community ownership, at aktibong partisipasyon ng mga mamamayan sa development process.
Layon nito na magkaroon ng sustainable na development plans sa mga barangay na tutugon sa totoong pangangailangan ng mga nasasakupan nito at kinokonsidera ang resources na mayroon ito para magbigay daan sa pagkakaroon ng sense of community empowerment at sa kalaunan ay magkaroon din ng shared responsibility ang mga pamahalaang barangay at mga residente nito tungo sa pag-unlad ng kanilang mga barangay.
Para i-pilot test ang BDP-PRA ay ibababa muna ito sa limang barangay: Kapitolyo, Manggahan, San Miguel, Santolan, at Sto. Tomas. Kaya naman noong April 22-24, 2024 ay nagkaroon ng Facilitators' Orientation on the Roll Out of BDP-PRA sa nasabing limang barangay.
Nasa 60 participants ang nakatapos ng 3-day orientation na ito mula sa hanay ng mga barangay government staff at community volunteers mula sa limang pilot barangay. Kasama rin sa participants ang ilang civil society organization (CSO) leaders na aktibo sa pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pamamagitan ng local special bodies at maging mga kinatawan mula sa Pasig City CSO Academy at mga personnel mula sa CSO at HOA Desks sa ilalim ng Office of the City Mayor. Ang mga na-train na facilitators ay ita-tap para sa pag-roll out ng BDP-PRA hanggang sa Agosto.
Nahati sa limang modules ang kabuuan ng training na binubuo ng 13 sessions na siya namang maghahanda sa mga potential facilitators para sa pag-roll out ng BDP-PRA. Ang 13 sessions na ito ay halinhinan na pinangasiwaan ng Institute of Politics and Governance, Office of the City Mayor, City Planning and Development Office, at Pasig City CSO Academy.
——
Sa level ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ay ginagawa na ang participatory development planning, kung saan ang mga mandated local special bodies (katulad ng City Development Council, Local School Board, at iba pa) ay may representante mula sa hanay ng CSOs na nagsisilbing boses ng mga ordinaryong Pasigueño sa paggogobyerno.
Bukod sa local special bodies, kasali rin ang CSOs sa pagbalangkas ng Annual Investment Program (AIP) ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig — kung saan sila ay nakakagawa na rin ng project proposals na ipinapasa sa iba't ibang tanggapan/departamento ng City Hall, para sa kanilang konsiderasyon sa pagbuo ng AIP ng kanilang mga departamento/opisina. Parte rin ang CSOs sa pagbigay ng inputs sa pag-prioritizs sa mga programa at proyekto ng mga departmento/opisina. Kaya naman ibinababa na rin ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang konsepto ng participatory development planning sa mga barangay.
——
Excited ka na rin ba para sa BDP - PRA? Manatiling nakatutok sa Facebook Page ng Pasig City Public Information Office para sa susunod na updates tungkol dito!