Pamahalaang Lungsod ng Pasig, nakatanggap ng Kampeon ng Kalusugan Award mula sa Department of Health

August 27, 2024

Kinilala ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig mula sa mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila para sa best practice nitong "Pasig Health Aides as Bakuna Champions" noong August 14, 2024 sa pinakaunang Health Promotion Summit for Barangay Health Workers na ginanap sa Clark, Pampanga.

Sa award na ito, kinilala ang dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pangunguna ng City Health Department nito, sa pagsasanay Pasig Health Aides sa pagbabakuna at ang kanilang pagsisikap sa pagbibigay ng risk communication lectures sa mga barangay, lalo na noong tumataas ang kaso ng Pertussis. 

Dahil dito, ang ating Pasig Health Aides (PHAs) ay naging mga Bakuna Champion sa ating mga komunidad. Ito ay nagresulta sa mas mataas na kamalayan ng mga Pasigueño tungkol sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.

Ang nasabing Health Promotion Summit for Barangay Health Workers (BHWs) ay pinangunahan ng Department of Health - Central Luzon Center for Health Development, kung saan tinipon ang nasa higit 100 Barangay Health Workers mula sa iba't ibang rehiyon ng Luzon Island, kabilang ang Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at CALABARZON. Mula sa kada rehiyon ay may isang best practice na pinarangalan, kung saan ang best practice nga ng Lungsod ng Pasig ang kinilala mula sa mga lokal na pamahalaan sa NCR. 

Layunin ng Health Promotion Summit na ito na kilalanin ang napakahalagang gampanin ng BHWs sa pagsusulong ng Universal Health Care sa pamamagitan ng health promotion sa mga komunidad. 

Bukod sa pagkilala sa best practices ay binigyang parangal din ang BHWs na matagal nang nagseserbisyo sa kanilang mga komunidad. Sa ilalim nito ay kinilala si Ms. Aileen Prago, nakatanggap ng Bronze Certificate, kasama ang nasa 25 pang ibang BHWs para sa mga may higit 10 taon na sa serbisyo at si Ms. Jasmin Mangune, na nakatanggap naman ng Silver Certificate, kasama ang nasa 28 pang ibang BHWs na may higit sa 20 taon ng serbisyo. Samantala, 7 BHWs naman ang ginawaran ng Gold Certificate para sa mga may higit 30 taon na sa serbisyo. 

Sina Ms. Prago at Ms. Mangune na rin ang tumanggap ng Kampeon ng Kalusugan Award para sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig.

———

Kaninang umaga, August 27, 2024, bilang parte ng lingguhang pagtataas ng watawat ng Pilipinas, nagkaroon ng presentasyon ng nasabing award kina Mayor Vico Sotto at sa buong Lungsod ng Pasig na pinangunahan ng Pasig City Health Promotion. 

Bukod sa Kampeon ng Kalusugan Award, kasama ring ipinresenta ang mga pagkilala na natanggap din ng City Health Department, sa pangunguna naman ng Pasig City Nutrition Committee. 

Makikita ang nauna nang post tungkol sa pagkilalang natanggap nito sa post na ito: bit.ly/NNC-NCR_GreenBanner_Pasig