Pamahalaang Lungsod ng Pasig, ginawaran ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2024 - Antas II
September 24, 2024
Kinilala ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig at ipinagkaloob dito ang KWF Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2024 - Antas II sa isang seremonya na ginanap noong Agosto 30, 2024, kasabay ng pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Maaalalang natanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang Antas 1 ng Selyo noong 2023. Matapos ang Antas 2, ay mayroon pang Antas 3 at Antas 4, na siyang pinakamataas na antas na ipinagkakaloob ng KWF.
Ang Antas 2 ng KWF Selyo ng Kahusayang sa Serbiyon Publiko 2024 ay ipinagkaloob sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pagkilala nito sa masigasig na pagpapamalas ng patuloy na pagsisikap sa pagpapatupad ng mga gawaing itinadhana sa ilalim ng Atas Tagapagpaganap Blg 335 katulad ng aktibong paggamit ng wikang Filipino sa social media at pagiging katuwang ng KWF sa pagsuporta sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan, Buwan ng Wikang Pambansa, at pagsusulong ng pagsasakatuparan ng iba pang mga programang pangwika.
Tinanggap ni G. Elvira R. Flores, ang puno ng Opisina ng Pagpapaunlad ng Yamang Pantauhan, ang nasabing selyo, bilang tanggapan na pangunahing nagsusulong ng pagtalima sa Atas Tagapagpaganap Blg 335 sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig.