Oath-Taking of Newly Elected Barangay Officials | November 17, 2023
November 19, 2023
IN PHOTOS: OATH TAKING OF NEWLY ELECTED PASIG CITY BARANGAY OFFICIALS
Opisyal nang nanumpa sa panunungkulan ang mga bagong halal na barangay officials (mga kapitan at kagawad) sa maiksing Oath-Taking Ceremony na ginanap noong Biyernes, November 17, 2023.
Pagiging mabubuting lingkod bayan (public servants) ang naging tema ng mga naging pahayag nina Department of the Interior and Local Government (DILG) - Pasig City Director Visitacion Martinez, CESO V, Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Dodot Jaworski, at Congressman Roman Romulo na nagbigay ng mga mensahe ng pagbati sa barangal officials na naluklok sa pwesto dahil sa pagkapanalo sa katatapos na 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
"Serve beyond reproach," ang naging payo ni Mayor Vico Sotto sa mga opisyal ng barangay. Pinaalalahanan niya ang mga ito na tapos na ang pangangampanya kaya naman dapat nang iwan ang pulitika at pagtuunan ang paglilingkod para sa mga nasasakupan. Ilan sa mga partikular na nabanggit pa ng alkalde sa kanyang pahayag ay ang pag-aayos ng mga proseso sa barangay (hal., proseso ng budgeting upang mas maagang maisumite sa konseho); bigyang laya ang mga Sangguniang Kabataan (SK) -- bilang future leaders ng Lungsod ng Pasig, nanawagan si Mayor Sotto sa mga kapitan at kagawad na tulungan ang SK officials na gawin ang tama, at huwag lasunin (huwag turuan ng mali at huwag kunsintihin kung mali ang ginagawa) ang mga ito.
Pinasalamatan din ni Mayor Sotto ang Commission on Elections na nanguna para masiguro ang isang maayos at malinis na 2023 BSKE sa Lungsod ng Pasig.
Para mapanatiling manageable ang bilang ng tao sa Sports Center na nagsilbing venue ng panunumpa, hinati ang mga barangay sa kalahati: noong umaga (Batch 1), naunang nanumpa ang mga opisyal ng Barangay Bagong Ilog hanggang Pinagbuhatan (alphabetical order) at noong hapon naman ay ang mga opisyal ng mga Barangay Pineda hanggang Ugong (alphabetical order).
Napuno ang venue ng mga pamilya ng mga opisyal ng barangay, kasama ang mga naluklok na SK Presidents, mga miyembro ng 11th Sangguniang Panlungsod ng Pasig, mga hepe ng mga departamento/tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, at iba pang stakeholders ng lungsod, kabilang ang mga tanggapan ng nasyunal na pamahalaan sa Pasig. Bilang parte ng programa, kumanta ng dalawang awitin si Bb. Marianne Miguel. Matapos ang mga mensahe ng mga opisyal, tumungo na agad sa panunumpa sa panunungkulan ang mga naihalal na kapitan. Sinundan ito ng panunumpa sa panunungkulan ng mga kagawad.
Matapos ang panunumpa sa panunungkulan ay magkakaroon naman ng training/orientation program para sa BNEO o Barangay Newly Elected Officials.
Naging matagumpay ang pagsasagawa ng Oath Taking sa pagtutulungan ng DILG-Pasig Field Office at Pamahalaang Lungsod ng Office, sa pamamagitan ng CRIO o Community Relations and Information Office (dating BAO o Barangay Affairs Office) at Office of the City Mayor.
Gustong balikan ang Oath-Taking ng mga bagong halal na barangay officials? I-click ang links na ito:
https://bit.ly/OathTaking_Batch1_Part1