Mga Pamilyang Nasunugan sa Ramos Village, Kasalukuyang Nasa Evacuation Center; Tulong Agad na Naipadala ng Pamahalaang Lungsod
July 1, 2025

Kasalukuyang nasa Evacuation Center sa Covered Court sa Manggahan Barangay Hall ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Ramos Village, Eastbank Road, Brgy. Rosario.
Agarang nag-set up ang Pamahalaang Barangay ng Manggahan ng Evacuation Center na ipinagamit nito sa mga nasunugan, sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Barangay ng Rosario, at katuwang ang City Social Welfare and Development Office ng Pamahalaang Lungsod para sa camp management.
Nakapagpadala na rin ang Pamahalaang Lungsod ng Sleeping Kits at Hygiene Kits sa mga apektadong pamilya na lumikas para may magamit ang mga ito sa kanilang pansamantalang pananatili sa Evacuation Center.
Lagpas alas-siyete kagabi, Lunes, June 30, 2025, noong unang maitala ang sunog sa Ramos Village. Umabot ito sa 3rd alarm bandang 8:23PM at noong 11:35PM na nang tuluyang maapula ang sunog.