Lungsod ng Pasig, nasungkit ang 2023 Green Banner Seal of Compliance at 3 pang awards sa 2024 Regional Nutrition Awarding Ceremony

August 19, 2024


Isa ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa dalawang lokal na pamahalaan sa National Capital Region na nagkamit ng 2023 Green Banner - Seal of Compliance Award sa ginanap na 2024 Regional Nutrition Awarding Ceremony noong Biyernes, August 16, 2024.
Ang Green Banner - Seal of Compliance Award ay ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan na nagkamit ng overall rating na 85% pataas sa Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation (MELLPI) at walang rating na bababa sa 60% sa mga sumusunod na dimensions: Vision and Mission, Nutrition Policies and Laws, Governance and Organization Structure, Local Nutrition Committee Management Functions, Nutrition Interventions/Services, and Nutritional Status of preschool and school children.
Bukod sa Green Banner Award, tinanghal na 2023 Regional Outstanding Barangay Nutrition Scholar si Ms. Ernielyn De la Cruz ng Lungsod ng Pasig. Ang award na ito ay nagbibigay pugay sa mga Barangay Nutrition Scholar (BNS) na responsable sa pagbibigay ng essential nutrition services, lalo na sa mga pamilya kung saan may malnourished na bata, buntis, at nanay na nagbi-breastfeed.
Samantala, nakamit naman ng Pasig City Nutrition Committee ang 2024 Regional Webby Awards: Best Local Nutrition Committee Social Media Account at bukod pa rito, ang pagtatala ng pinakamataas na bilang ng bagong followers sa Local Nutrition Council Facebook Page sa buong National Capital Region. Simula noong 2016, consistent na kabilang sa ginagawaran ang Facebook Page ng Pasig City Nutrition Committee sa Regional Webby Awards bilang pagkilala sa pagiging well-managed at interactive na social media account nito na dedicated para sa pagsusulong ng wastong nutrisyon.
Binigyan din ng Plaque of Recognition ang ilang piling Mayor sa National Capital Region para sa kanilang outstanding leadership pagdating sa nutrition program management -- ang Mayor ang tumatayong Chairperson ng Local Nutrition Committee sa isang lokal na pamahalaan.
Isa si Pasig Mayor Vico Sotto sa limang alkalde na nabigyan ng Plaque na ito, bilang pagkilala sa kanyang pamumuno kaya nakamit ng Lungsod ng Pasig ang Green Banner Seal of Compliance para sa exemplary nutrition management noong 2023.
Para tanggapin ang mga nasabing award, pinangunahan ni Assitant City Health Officer Dra. Emma Ruth Cuevas, Nutrition Action Officer Ms. Jenily Capalaran, at Barangay Nutrition Scholar Ms. Ernielyn De la Cruz ang delegasyon mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Mainit na pagbati sa lahat ng nagkamit ng parangal noong Biyernes sa 2024 Regional Nutrition Awards!
----
*Nauna nang naka-schedule ang Awarding Ceremony na ito noong July 26 ngunit minabuting ipagpaliban muna ito dala ng mga naging epekto ng pananalasa ng Habagat na mas pinalakas pa ng Bagyong Karina sa Metro Manila noong isang buwan.