LAUNCHING NG TARA, BASA! TUTORING PROGRAM NG DSWD, GINANAP SA LUNGSOD NG PASIG
August 2, 2023
Opisyal nang inilunsad ang Tara, Basa! Tutoring Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Department of Education (DepEd), kaninang umaga, August 2, 2023 sa isang programa na ginanap sa Rizal High School Gymnasium, Pasig City.
Napili ang Rizal High School bilang venue para sa ceremonial signing ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng DSWD at DepEd kaugnay ng nasabing programa. Pinangunahan nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at Vice President of the Philippines at DepEd Secretary Sara Duterte, kasama sina DSWD USec. Eduardo Punay at DepEd Usec. Michael Wesley Poa ang nasabing MOA Signing. Present din sa nasabing launching sina Pasig City Mayor Vico Sotto at Congressman Roman Romulo.
Ang Tara, Basa! Tutoring Program ay ang reformatted Educational Assistance Program ng DSWD na may layuning: magbigay ng tulong pinansyal sa college students na mula sa indigent families; tutukan ang Grade 1 public school students na mula sa indigent families at hirap o hindi marunong magbasa; at magsagawa ng Nanay-Tatay Teachers o parenting sessions sa mga magulang o guardians na naglalayong magpagtibay ang family support system ng mga mag-aaral na kasama sa tutoring program.
Sa ilalim ng programang ito, ang college students na magsisilbing tutors at Youth Development Workers sa loob ng 20 days ay makakatanggap ng Cash for Work na nagkakahalagang PHP570.00 kada araw. Samantala, ang mga magulang o guardian naman ng Grade 1 students na magiging bahagi ng programa ay makakatanggap ng PHP235.00 kada araw para sa kanilang paglalaan ng oras at tulong sa learning at reading sessions ng kanilang mga anak.
Ang pilot run ng Tara, Basa! Tutoring Program ay magsisimula sa National Capital Region, kung saan target na matulungan ang college students na enrolled sa local colleges o universities para sa AY 2023-2024.