LAB FOR ALL CARAVAN SA LUNGSOD NG PASIG

October 4, 2024

IN PHOTOS: LAB FOR ALL CARAVAN SA LUNGSOD NG PASIG
Naging matagumpay ang isinagawang LAB For ALL Caravan kahapon, Huwebes, October 3, 2024 sa Rizal High School Gymnasium, sa pakikipag-ugnayan sa tanggapan ni First Lady Louise Araneta-Marcos, na sinuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. Layon ng outreach program na ito na magbigay ng libreng serbisyong medikal, katulad ng pangunahing laboratory tests, konsultasyon, at gamot. Ang Lungsod ng Pasig ang ika-35 na lokal na pamahalaan na nagsilbing benepisyaryo ng nasabing programa. Ito ang unang pagkakataon na nakadalo rin si Pangulong Marcos sa pagbisita sa mga benepisyaryo ng LAB For ALL.
Higit sa 1,700 Pasigueño ang nakatanggap ng libreng serbisyo na ipinagkaloob sa outreach program. Tampok sa caravan ang mga booth mula sa iba’t ibang government at private agencies na nagbigay ng libreng konsultasyon, gamot, at educational at housing assistance. Nakatanggap din ang mga Pasigueño ng libreng grocery items katulad ng bigas, de lata, kape, at iba pa.
Highlight ng programa ang naging turnover ng LAB For ALL Mobile Laboratory sa Lungsod ng Pasig, kung saan dumalo ang mga opisyal at kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor. Sa pangunguna nina Congressman Roman Romulo, Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Dodot Jaworski, Jr., dumalo rin ang 11th Sangguniang Panlungsod at kinatawan ng mga iba’t ibang opisina at departamento ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Nagbigay ng mensahe ng suporta sina Department of Health Secretary Teodoro Herbosa, Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., Public Attorney's Office Chief Persida Rueda-Acosta, at mga tagapamuno ng ilang private companies na naging bahagi rin ng pagpapatupad ng proyekto. Sa kanyang mensahe, ipinaalala ni Cong. Romulo ang kahalagahan ng kalusugan, kabuhayan, at edukasyon para sa mga Pasigueño. Binanggit din niya na karamihan sa mga benepisyaryo ay mga guro ng Lungsod ng Pasig bilang paggunita sa World Teachers’ Day.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Vico Sotto sa lahat ng nakipagtulungan para maisakatuparan ang LAB For ALL Caravan sa Lungsod ng Pasig. Aniya, nagagalak siya para sa mga residente ng Pasig, lalo na sa mga unang nabigyan ng serbisyo sa pre-event activities ng Lab For All simula noong Lunes hanggang Miyerkules (September 30 – October 2, 2024) mula sa Brgy. Manggahan, Brgy. Pineda, at Brgy. Sto. Tomas.
Sa kanyang talumpati, ginarantiya ni Pangulong Marcos na ang LAB for ALL mobile clinics ay makakatulong upang maabutan ng libreng serbisyong medikal ang mga mamamayan, lalo na ang mga nakatira sa liblib na lugar.
Ang LAB For ALL Mobile Laboratory ay nagsimulang ipamahagi noong May 2023. Inaasahang marami itong matutulungang Pasigueño sa panahon na ito ay maging operational na.
Lubos na nagpapasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa Opisina ng First Lady at mga tanggapan ng nasyunal na pamahalaan at pribadong sektor na naging katuwang ng Lungsod sa LAB For ALL.