IN PHOTOS: STATE OF THE CITY ADDRESS 2024
October 15, 2024
Pagbubunga ng mga reporma na inilatag sa mga naunang taon ng panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon ang naging tema ng 2024 State of the City Address ni Mayor Vico Sotto kahapon, October 14, 2024 na ginanap sa Rizal High School.
Katulad ng SOCA nooong 2023, nagsimula ang programa sa isang Session ng 11th Sangguniang Panlungsod kung saan inaprubahan ang ilang resolusyon na layong mapabuti ang mga serbisyong inihahandog ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa nasasakupan nito. Kabilang sa mga naipasang resolusyon ang pag-imbita kay Mayor Vico para sa kanyang State of the City Address. Pansamantalang sinuspinde ang Session para salubungin ang pagdating ng alkalde.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Pasig Lone District Representative Roman Romulo sa “record-breaking” support ng nasyunal na pamahalaan sa Lungsod ng Pasig. Naging bahagi rin ng kanyang speech ang ilan sa panukalang batas na isinulong niya sa mababang kapalungan bilang Chairperson ng Committee ng Basic Education. Binigyang pagkilala rin niya ang maayos na pamamahala nina Mayor Vico at Vice Mayor Dodot na nagbigay daan para sa mga naging pagbabago sa lungsod na nagbibigay karangalan sa bawat Pasigueño.
Samantala, naging sentro ng ulat ni Vice Mayor Dodot ang accomplishments ng Sangguniang Panlungsod sa loob ng isang taon. Highlight dito ang 257 resolutions, 67 ordinances, at 3 quasi-judicial cases na kanilang naipasa at naresolba. Aniya, ang pagtugon sa pangangailangan ng mga Pasigueño at ang pagtaas ng antas ng pamamahala sa gobyerno ay prayoridad sa pagpapasa ng panukalang batas at alinsunod sa mga layunin at hangarin ng kasalukuyang administrasyon.
Matapos magbigay mensahe ni Vice Mayor Dodot, ay ang State of the City Address ni Mayor Vico. Sa kanyang talumpati, binanggit niya ang ilan sa mga tagumpay na nakamit ng lungsod mula October 2023 hanggang sa kasalukuyan. Ito ay ang mga sumusunod:
Sa ilalim ng KALUSUGANG PANGKALAHATAN: pagsasaayos ng mga ospital at primary care facilities na naging daan para sa pagkilala ng Department of Health sa Lungsod ng Pasig bilang isa sa implementation/integration sites ng Universal Health Care; konstruksyon ng magiging ikalawang General Hospital sa Lungsod ng Pasig na sa kasalukuyan ay ang Pasig City Children's Hospital; pagpapatupad ng “No Balance Billing” Program; pagpapaigting ng accessibility ng health services sa lungsod at patuloy na pag-iinvest sa pagkakaroon ng Pasig Health Aides na siyang katuwang ng lungsod sa pag-abot ng mas maraming Pasigueño sa larangan ng kalusugan; pagkakaroon ng PhilHealth-accredited Konsulta providers sa lungsod.
Sa usapin naman ng PABAHAY PARA SA MAPANLAHOK AT MAUNLAD NA MAMAMAYAN: konstruksyon ng in-city housing, lalo na para sa informal settler families na naapektuhan ng Revetment Project; pagpapatuloy ng land banking na sa kasalukuyan ay nasa mahigit 12 hectares na; pangangasiwa ng pag-aayos ng land disputes na tumagal na nang higit na apat na dekada para magbigay daan sa Community Mortgage Program; at pagkakaroon ng ordinance sa Special Electrical Permit para sa mga residente na kabilang sa urban poor communities.
Pagdating naman sa DE-KALIDAD NA EDUKASYON NG MAMAMAYAN TUNGO SA MAUNLAD NA BAYAN: pagpapalawak ng PAG-ASA Scholarship Program at patuloy na pagdaragdag ng beneficiaries sa regular scholarship programs nito; pagpapalakas ng technical-vocational programs na ipinagkakaloob ng City-owned faciitities tulad ng PCIST, Livelihood Training Program,at BCLP; pagbibigay suporta sa sports development; pagpapatuloy na pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon hanggang sa kolehiyo sa pamamagitan ng mga programa at proyekto sa Inang Pamantasan.
Tungkol sa MAAGAP NA SERBISYO: pagpapalawig ng kahandaan ng mga Pasigueño - mga mamamayan at responders - sa mga sakuna sa pamamagitan ng pamamahagi ng emergency go bags; fire trucks, patient transport vehicles, at utility vehicles sa mga barangay, at disaster-related capacity building programs; pagpapatupad ng mga programa para sa mga vulnerable sectors katulad ng para sa senior citizens, persons with diabiities, at solo parents; at patuloy na pagsuporta para sa mga micro, small, and medium enterprises sa lungsod.
Panghuli, TAPAT, MASINOP, AT MAPANLAHOK NA PAMAMAHALA: pagsasagawa ng participatory barangay development planning sa limang pilot na barangays at pagpapalawig ng partisipasyon ng mga mamamayan sa pamamahal; patuloy na pagsuporta at paglalakas ng youth development, lalo sa mga SK at maging sa barangay officials, kabilang ang pagbibigay financial aid sa mga barangay para sa pagpapatupad ng kanilang programa; pagpapatibay ng income generation schemes at pagpapanatili ng tax rates; pagpapatupad ng mga reporma sa procurement process na nagbigay daan sa pagkakaroon ng savings sa lungsod; pag-invest sa human resources ng Pamahalaang Lungsod at maging sa digitization at pagsasaayos ng interoperability ng mga systema nito; at maayos na paggamit ng pondo -- kaya naman nagkakaroon ng kakayahan na magkaroon ng programa katulad ng Pasig City Hall Redevelopment Project, nang hindi nangangailangang kuhanan o mawalan ng pondo ang ibang sektor ng lipunan.
Matapos ang SOCA, naganap naman ang opisyal na pagsusumite ng panukalang 2025 Executive Budget na nagkakahalaga ng PHP 22.4B sa mga miyembro ng 11th Sangguniang Panlungsod
Ang State of the City Address ay taunang pag-uulat ng major accomplishments ng Pamahalaang Lungsod. Bukod sa pagdalo ng mga elected officials, nakilahok din sa SOCA ang department/office heads ng lokal na pamahalaan, mga punong barangay at SK chairpersons, pati na rin mga kinatawan ng ilang nasyunal na pamahalaan, at civil society organizations.
Gustong balikan ang mga kaganapan sa SOCA 224? Panoorin ang Facebook Live stream sa link na ito: https://bit.ly/2024SOCA