IN PHOTOS: SECOND FULL CITY DEVELOPMENT COUNCIL MEETING FOR 2023

May 24, 2023



Naaprubahan ang City Development Council Resolution 2023 - 003 na pinamagatang "A Resolution Approving the Annual Investment Program (AIP) for CY 2024 of the City Government of Pasig and Recommending its Adoption by the Sangguninang Panlungsod" sa ginanap na Second Full City Development Council (CDC) for 2023 kahapon, May 23, 2023. 

Nasa 169 ang dumalo sa CDC meeting na binubuo ng mga kinatawan mula sa iba't ibang departamento/opisina ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, civil society organizations (CSOs), barangay, at Sangguninang Panlungsod. 

Ilan sa agenda ng pagpupulong ang pagpapasa ng dalawang CDC Resolutions ukol sa pag-apruba at pag-endorso sa Sangguninang Panglungsod ng 2024 AIP at pag-apruba ng mga programa at proyekto na popondohan mula sa 2024 20% Community Development Fund (CDF). 

Bago binasa ang mga nasabing resolusyon at nagkaroon ng mosyon na aprubahan ang mga ito, nagkaroon muna ng mga presentasyon ukol sa proseso na pinagdaanan ng panukalang 2024 AIP; overview at summary ng kabuuang 2024 AIP na umabot sa PHP19.1B; at summary ng AIPs kada sector (social, economic, environment, institutional, at infrastructure). 

Matapos ang presentations ay nagkaroon ng open forum kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga kinatawan ng barangay at CSOs na makapagtanong at maiparating ang kanilang concerns ukol sa mga kasalukuyan at panukalang programa, proyekto, at aktibidad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at matugunan ang mga ito ng mga concerned na departamento/opisina.

Ang pagpapaapruba ng 2024 AIP sa CDC bago ito iendorso sa Sangguniang Panlungsod ay parte ng masusing proseso na pinagdaanan para mabuo at mapinalisa ang panukalang AIP para sa taong 2024, kung saan ang mga kinatawan ng CSOs ay binigyan ng pagkakataong makapag-propose ng kanilang programa at proyekto at makapag-input din kung ano sa mga panukalang program, proyekto, at aktibidad ng mga departamento/opisina ang nais nilang mabigyan ng prayoridad.

Sa oras na maipasa na ang 2024 AIP sa Sangguniang Panlungsod ay sasailalim ito sa Committee Hearings, particular sa Committee on Appropriations, Ways, and Means. 

Target na ma-aprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang 2024 AIP sa June 7, 2023, alinsunod sa Synchronized Local Planning and Budgeting Calendar na nakapaloob sa Joint Memorandum Circular No. 1, s. 2016 na inilabas ng Department of the Interior and Local Government, National Economic and Development Authority, Department of Budget and Management, at Department of Finance. 

-- 

Ang City Development Council ay isa sa Local Special Bodies (LSBs) na nakasaad sa ilalim ng Local Government Code of 1991  kung saan required ang partisipasyon ng mga kinatawan mula sa civil society organizations. Sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sinisigurong inklusibo ang pag-gogobryerno sa pamamagitan ng pagsunod sa required na membership ng CSOs sa LSBs at bukod pa rito, pagsasagawa ng capacity development interventions para masiguro ang pagpapalalim at pagiging produktibo at makabuluhan ng pakikisangkot ng CSOs sa paggogobyerno sa Pasig.

Ang pagbuo ng 2024 AIP ay pinangungunahan ng City Planning at Development Office (CPDO) na may guideance mula sa Local Finance Committee. Ang CPDO rin ang nagsisilbing Secretariat ng City Development Council.