IN PHOTOS: Pugay Tagumpay Ceremonial Graduation Rites
November 26, 2024
Nasa 475 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Lungsod ng Pasig ang matagumpay na nakapagtapos mula sa programa sa ginanap na Pugay Tagumpay Ceremonial Rites kahapon, November 25, 2024, sa Tanghalang Pasigueño, Pasig City.
Layon ng Pugay Tagumpay na kilalanin at ipagdiwang ang pagsisikap ng mga benepisyaryo ng 4Ps na maabot ang “self-sufficiency” na antas ng pamumuhay. Ang isang benepisyaryo ay maituturing na "self-sufficient" kung wala na ni isang batang may edad 0-18 sa kanilang pamilya na kailangang i-monitor o irehistro sa programa, at kung sila ay nasa Level 3 o maayos na ang kanilang kabuhayan, kaya’t hindi na kinakailangan ng suporta mula sa 4Ps.
Upang masigurong mapapanatili ng mga nagsipagtapos ang kanilang self-sufficient na antas ng pamumuhay, bahagi ng Kilos-Unlad Case Management Framework ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag-endorso sa kanila sa kanilang lokal na pamahalaan. Sa pamamagitan nito, maaaring ipagpatuloy ng lokal na pamahalaan ang suporta sa mga pamilyang grumaduate sa pamamagitan ng mga umiiral na programa nito upang matiyak na hindi na sila muling babalik sa kahirapan.
Pinangunahan ni Mayor Vico Sotto ang pamamahagi ng Sertipiko ng Pagkilala sa mga nagsipagtapos na benepisyaryo. Bukod dito, makakatanggap din ang mga nagsipagtapos ng PHP 5,000.00 ONE-TIME cash assistance bilang tulong ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa mga pamilya na may mga anak pa na kinakailangang mag-aral.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Congressman Roman Romulo, ang City Social Welfare and Development Office na pinamumunuan ni Ms. Ma. Teresa Briones, mga miyembro ng Local Advisory Council, at kinatawan mula sa DSWD-National Capital Region.
—
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay naglalayong iahon mula sa kahirapan ang mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tulong pinansyal para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Bukod dito, layon din ng programa na matustusan ang pangangailangang pangkalusugan at pang-edukasyon ng kanilang mga anak.