IN PHOTOS: PASIGLAKAS SPORTSFEST OPENING CEREMONY
November 17, 2023
Opisyal nang sinimulan ang PasigLakas Sportsfest noong November 11, 2023, araw ng Sabado, sa pamamagitan ng isang Opening Ceremony na ginanap sa Rizal High School (RHS) Oval.
Nagkaroon ng munting parada sa RHS Oval na nilahukan ng mga representante mula sa 52 tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at maging ilang national government agencies sa lungsod. Parte rin ng programa ang lightning ng sports cauldron, isang common practice na ginagawa sa opening ng mga sporting events, tampok sina: Zacky Bolico, chess national champion; Marcelino Picardial, swimmer na nakatanggap ng pinakamaraming bilang ng medalya na lalaking atleta sa NCR Palaro at medallist sa Palarong Pambansa 2023; Nice Garcia, archer na nakatanggap ng pinakamaraming bilang ng medalya na babaeng atleta sa NCR Palaro at isang medallist at record holder sa Palarong Pambansa; at dating Vice Mayor Yoyong Martires, Olympian at isa sa mga miyembro ng national basketball team ng Pilipinas na huling nakalahok sa Olympics.
Matapos ng pagsindi sa sports cauldron ay nagkaroon ng pagbigkas ng Oath of Sportsmanship. Nagbigay din ng mensahe sina Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Dodot Jaworski, at mga miyembro ng 11th Sangguniang Panlungsod. Sa kanyang pahayag ay inihudyat din ni Mayor Vico ang opisyal napagbubukas ng PasigLakas Sportsfest.
Highlight din ng programa ang presentation at awarding ng muse. Tinampok na Muse ang representante ng Philippine National Police - Pasig. Para matukoy kung sino sa naggagandahang muse ang magwawagi ng titulo ay may kinuhang judges na sina Ms. Camille Kay Rustia at Mutya ng Pasig 2023 Erika Cassandra Ballon.
Pagkatapos ng opening ceremonies ay nagkaroon ng Palarong Pinoy at kinahapunan ay nagsimula na rin ang schedule ng mga laro: Athletics (Track and Field) Tournament; Basketball; Men's Volleyball; Women's Volleyball; Badminton; Bowling Tournament; Mobile Legends Tournament; Chess Tournament; at Darts Tournament.
Ang PasigLakas SportsFest ay parte pa rin ng year-long celebration ng ika-450 Taon ng Lungsod ng Pasig. Naging posible ito sa pangunguna ng Human Resource Development Office, sa pakikipagtulungan sa iba't ibang tanggapan sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Para sa updates tungkol sa PasigLakas SportsFest, i-check ang official Facebook Page ng Pasig City HRDO.
#PanahonNgPasigueño