IN PHOTOS: PASIG CITY TRADE FAIR 2024

May 24, 2024



Para opisyal na buksan ang Pasig City Trade Fair, isang Opening at Ribon-Cutting Ceremony ang ginawa kahapon, May 23, 2024 sa Activity Center ng Ayala Malls The 30th, 30 Meralco Ave., Brgy. Ugong, Pasig City.
Nagsimula ang Trade Fair na may temang "Shop with Purpose, Sustainably: Empowering Communities at the Pasig City Mega Trade Fair," kahapon, May 23, 2024 at tatagal ito hanggang sa Linggo, May 27, 2024.
Tampok sa Pasig City Trade Fair ang lagpas 50 exhibitors na binubuo ng mga kooperatiba; micro, small, at medium enterprises; social enterprises; at graduates mula sa Livelihood Program ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Bilang parte ng Opening Program ay nagbigay ng mensahe, mula sa hanay ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sina Mayor Vico Sotto, Councilor Simon Tantoco, Councilor Pao Santiago, at Ms. Karina Raymundo (bilang kinatawan ni Councilor Corie Raymundo). Nagbigay din ng Messages of Support ang ilang partners gaya nina Ms. Ayaka Matsuno, Program Director ng Sasakawa Peace Foundation at Ms. Erika Geronimo, Executive Director ng Oxfam Pilipinas.
Sa kanyang pahayag, inilahad ni Mayor Vico Sotto na nasa magandang lugar ang lokal na ekonomiya ng Pasig. Sinabi niya na maaasahan mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig na patuloy na susuportahan nito ang mga negosyante ng Lungsod ng Pasig, lalo na yung mga tubong Pasig at mga malilit na negosyante/negosyo, para sila ay patuloy na lumago. Inengganyo rin niya ang mga kalahok na kung may ideya ang mga ito, ipaalam ito sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Dahil kung kayang gawin, kung magandang gawin, hindi magdadalawang isip ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig na gawin ito. Nagtapos ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng pagpapaalala ng kahalagahan ng pagtutulungan.
Samantala, nagbigay naman ng Welcoming Message si Atty. Diego Luis Santiago, Officer-in-Charge ng Local Economic Development and Investment Office at sa Closing Remarks naman si Dr. Marie Lisa Dacanay, President ng Institute for Social Entrepreneurship in Asia (ISEA) at Convener ng Poverty Reduction through Social Entrepreneurship (PRESENT) Coalition.
-----
Wala pang plano this weekend? Isama na ang Pasig City Trade Fair sa weekend plans ninyo! Pumunta lang sa 2/F ng Activity Center, Ayala Malls The 30th. Bukas ang Pasig City Trade Fair simula 10:00AM - 07:00PM!
Ang Pasig City Trade Fair ay naging posible sa pangunguna ng Pasig City Local Economic Development and Investment Office, sa pakikipagtulungan nito sa ISEA at PRESENT Coalition.