IN PHOTOS: PAGDIRIWANG NG IKA-126 ANIBERSARYO NG ARAW NG KALAYAAN SA LUNGSOD NG PASIG

June 13, 2024



Patuloy na pag-aambag para sa bayan — ito ang naging sentro ng mensahe ni Mayor Vico Sotto sa naging selebrasyon ng ika-126 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan kahapon, June 12, 2024 na ginanap sa Plaza Rizal.
Dinaluhan ang nasabing selebrasyon ng mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na pinangunahan nina Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Dodot Jaworski, Congressman Roman Romulo, kasama ng ilang mga konsehal, mga kinatawan mula sa mga departamento/opisina at mula sa mga barangay. Bukod sa mga lumahok mula sa lokal na pamahalaan ay may mga kinatawan din mula sa iba't ibang civic at non-government organizations sa Lungsod ng Pasig, maging mula sa mga sangay ng nasyunal na pamahalaan.
Pagkatapos ng pagtataas ng watawat ng Pilipinas ay nagkaroon ng pag-aalay ng mga bulaklak dambana ni Dr. Jose Rizal. Sinundan ito ng isang performance mula sa Coro Pasigueño tampok ang isang makabayang awiting pinamagatang "Kayumangging Malaya".
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Mayor Vico Sotto sa mga dumalo sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Nagbahagi rin siya ng dagdag kaalaman tungkol sa Lupang Hinirang na unang pinatugtog noong June 12, 1898, noong una ring iwinagaygay ang watawat ng Pilipinas. Ibinahagi niya na ang Banda Pasig ang tumugtog ng Marcha Filipina-Magdalo o Lupang Hinirang sa pagbubukas ng Malolos Congress noong September 1898. Nabanggit din niya na konti na lamang ang nakakaalam nito at ipinaalalala niya ang kahalagahaan ng pagbitbit ng kasaysayang/heritage na ito bilang mga Pasigueño.
Sa kanyang pagtatapos, sinabi ni Mayor Vico na sana, lahat tayo ay "Patuloy na mag-ambag tungo sa tunay na kalayaan sa ating bansa. Malayo na ang narating ng Pilipinas, pero marami pa tayong pagbabago na gustong makita. Sana sa lifetime po natin: Kalayaan mula sa dayuhang mananakop. Kalayaan mula sa korapsyon. Kalayaan mula sa katiwalian. Kalayaan mula sa kahirapan. At kailangan po, tungo sa tunay na kalayaan mula sa mga bagay na yun, ang bawat isa sa atin, anuman ang posisyon, anuman ang pinanggalingan, anuman ang estado sa buhay, ay patuloy na mag-ambag para sa ating bayan. Maraming salamat po sa lahat. At muli po, Maligayang Araw ng Kalayaan sa bawat Pilipino."
Mapapanuod ang buong pagdiriwang ng ika-126 Araw ng Kalayaan sa Lungsod ng Pasig sa link na ito: https://bit.ly/126th_ArawngKalayaan_Pasig